February 16, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Mga benepisyo sa kalusugan ng ‘kantutan’

ALAMIN: Mga benepisyo sa kalusugan ng ‘kantutan’
Photo Courtesy: Screenshot from Mount Makiling Forest Reserve ASEAN Heritage Park (YT)

Itinampok ng Makiling Botanic Garden (MBG) ang “kantutan”—o “Paederia foetida L.” sa siyentipiko nitong ngalan—bilang plant of the month ngayong Pebrero 2026.

Naglalabas ang MBG kada buwan ng iba’t ibang species ng halaman upang maipakita nila ang botanical diversity at ang nakakahalinang ugnayan sa pagitan ng mga halaman at kultura ng mga tao.

At ang plant of the month ngayong Pebrero 2026 na kantutan ay posibleng lumikha ng impresyong malaswa at bastos sa sinomang makakarinig o makakabasa sa lokal na pangalan ng naturang halaman, lalo pa’t higit na palasak sa kontekstong Pilipino ang salitang “kantot” bilang variant ng “karat” na nangangahulugang ganap na ugnayang sekswal ng dalawang tao. 

Pero totoong umiiral ang “kantot” bilang identidad ng isang halamang taal sa Pilipinas. Ang siyentipikong pangalan nitong “Paederia” ay halaw mula sa salitang Griyego na nangangahulugang "opals" at ang species name nitong "foetida" ay mula naman sa salitang Latin na ang ibig sabihin ay "mabaho."

Human-Interest

ALAMIN: Ano ba ang sinisimbolo ng abo tuwing ‘Ash Wednesday?’

Bukod sa Pilipinas, taal na halaman din ito sa mga bansa sa Asya tulad ng Bangladesh, Borneo, Cambodia, China, Hainan, Himalaya, India, Japan, Java, at iba pa.

Kinakatawan umano ng kantutan ang kabalintunahan ng katangian nito. Dahil sa kabila ng pangalan nitong ibinatay sa magagandang opals, kilala rin umano ito sa hindi kaaya-ayang amoy, dahilan para iwasan ng marami. 

Ngunit kinakailangan din kalaunan dahil ginagawang sangkap para sa mga lutuin. Sa India, halimbawa, pinakukuluan umano ang mga sariwang dahon ng kantutan at kinakain kasama ng chili at asin. 

Gayundin sa Hainanese cuisine, ang mga dahon ng kantutan ay ginigiling sa harina at hinahalo sa kanin para gawing noodles at soup.

Bukod dito, ginagamit din ito bilang panggamot sa ilang partikular na sakit. 

Ayon sa MBG, ipinapantapal umano ang dahon nito para pagalingin ang herpes; ginagamit din ang kantutan bilang astringent, habang ang mga ugat naman nito ay ginagawang panggamot sa pamamaga ng atay, rayuma, gout, at iba pa. Maaari din umano itong panlunas sa diarrhea ng mga bata. 

Makikilala umano ang kantutan sa pamamagitan ng mga baging nito at malalambot na tangkay na kadalasang matatagpuan sa lapag ng kasukalan. 

Kulay berde ang dahon nito at medyo hugis-puso na patulis ang dulo. Pero ang mas nakakapagpalitaw umano sa katangian ng kantutan ay ang amoy nito kapag nadudurog ang dahon dahil sa nilalabas na sulfuric na amoy.