February 16, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Ano ba ang sinisimbolo ng abo tuwing ‘Ash Wednesday?’

ALAMIN: Ano ba ang sinisimbolo ng abo tuwing ‘Ash Wednesday?’
Photo courtesy: Unsplash

Bilang hudyat ng 40 araw na kuwaresma, masusi nang pinaghahandaan ng simbahang Katolika ang paparating na “Ash Wednesday” na nakatakdang idaos sa Pebrero 18. 

Sa panayam ng ABS-CBN News kay Rev. Fr. Viel Bautista, Vice Rector ng Manila Cathedral, sinimulan na nilang samsamin ang mga natuyong palaspas mula sa nakaraang Linggo ng Palaspas para sunugin at gawing abo sa Ash Wednesday. 

Bukod pa rito, inihahanda na rin daw ng simbahan ang mga kumpisalan na gagamitin ng maraming katoliko sa pagpasok ng kuwaresma. 

“We prepare for lent by remembering and recalling, and be mindful of our sins. In preparation din for Easter, kaya tayo nagsisisi sa ating mga kasalanan, naghuhugas ng ating mga puso sa pamamagitan ng kumpisal. Nananalangin at nagsisimba upang ipagdiwang natin ang mga panahon ng pagkabuhay ng puno ng grasya at kagalakan sa ating puso,” saad ni Fr. Bautista. 

Human-Interest

ALAMIN: Gaano kabisa ang condom para hindi makabuntis?

Aniya pa, ang abo ay ipinapahid sa pamamagitan at sa loob ng banal na Eukaristiya, kaya sa paglalagay nito, mahalagang pagnilayan ang mensahe ng simbahan at alalahanin ang lakbayin sa buhay bilang katoliko. 

“Harinawa, hindi lang ito maging tanda na nakikita, kung hindi tanda ng pagbabalik sa Diyos, tanda ng ating kapakumbabaan, at tanda ng ating pagsisisi sa ating mga kasalanan,” paliwanag ni Fr. Bautista. 

Dahil sa mga pahayag na ito ng Simbahang Katolika, ano nga ba ang sinisimbolo ng abo sa Ash Wednesday o Miyerkules ng Abo? 

Ayon sa ilang iskolar, ang abo ay ginamit ng mga sinaunang Kristiyano bilang pagluluksa, spiritual awareness, at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan. 

Ilan sa mga halimbawa nito ay makikita sa Daniel 9:3-5, “Dahil dito, buong taimtim akong nanalangin at nakiusap sa Panginoong Diyos. Nag-ayuno ako, nagsuot ng damit-panluksa at naupo sa abo.”

Sa Job 42:6, “Kaya ako ngayon ay nagsisisi, ikinahihiya lahat ng sinabi, sa alabok at abo, ako ay nakaupo;” at Jeremias 6:26, “Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan, “Kung gayon, magsuot kayo ng damit na panluksa, at gumulong kayo sa abo. Manangis na kayo nang buong pait, na parang nawalan ng bugtong na anak, sapagkat biglang sasalakay ang magwawasak sa inyo!”

Dahil dito, ipinapakita sa ilan pang pag-aaral na ang abo ay simbolo ng pangangailangan ng mga tao sa pagtubos ng Panginoon, mula sa lusak at kamatayan mula sa pagkasadlak sa mga kasalanan. 

Ito rin ay paalala na mula sa abo ang tao ay nagkabuhay, at matapos ang mahabang lakbayin ay muling babalik rito, base sa salita ng Diyos sa Genesis 3:19, “Dahil sa alabok, doon ka nanggaling, sa lupang alabok ay babalik ka rin.”

Kaya sa pagpahid ng abo sa noo, sa darating na Ash Wednesday, mahalaga ring tandaan na hindi lamang ito tradisyon, bagkus ay isang paraan para panandaliang huminto at pagnilayan ang pansamantalang buhay sa mundo at ang grasya ng Panginoon na nagsisilbing gabay para magpatuloy rito. 

Sean Antonio/BALITA