Nagbaba ng abiso ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa mga indibidwal na gumagamit sa pangalan ni DPWH Sec. Vince Dizon para manggantso.
Sa latest Facebook post ng DPWH nitong Linggo, Pebrero 15, sinabi nila kung paano gumagana ang operasyon ng nasabing modus.
Anila, may mga indibidwal umanong tumatawag at nagpapanggap bilang si Dizon o iba pang opisyal ng ahensya para sa mga ilegal na layuning makapanloko, humingi ng pera, impormasyon o anomang uri ng pabor.
"Sakaling matanggap ng kahina-hinalang tawag na may kahilingan o hinihinging pabor, huwag itong patulan,” dugtong pa ng DPWH.
Kaya naman umapela ang ahensya sa publiko na tumulong sa pagsugpo ng ganitong panloloko sa pamamagitan ng pagiging alerto at pagbabahagi ng kamalayan hinggil dito.