Ibinahagi ng batikang broadcast-journalist na si Gus Abelgas ang naging epekto sa buhay niya ng pagpapasara sa ABS-CBN.
Sa latest episode ng vlog ng kapuwa niyang Kapamilya broadcast-journalist na si Bernadette Sembrano noong Sabado, Pebrero 14, sinabi ni Gus na nasira umano ang buhay niya dahil sa nangyari sa kompanyang pinagsilbihan niya nang lampas tatlong dekada.
Aniya, “Ayaw ko sanang aminin…pero nasira ‘yong buhay ko halos sa pagkawala ng ABS-CBN dahil ang ABS-CBN, ito ang naging buhay ko halos sa buong career ko."
“At dito ako nagkaroon ng buhay na maayos at dito rin ako nagkaroon ng partner. Napakahalaga talaga…dito nagsimula ang lahat. Kaya nakakapanghinayang,” dugtong pa ni Gus.
Matapos umanong ideklarang wala nang prangkisa ang ABS-CBN, agad na naghanap siya ng bagong trabaho, lalo pa’t kasagsagan ito ng pamiminsala ng Covid-19.
“Takot din akong makalabas. Pero siyempre siguro talagang kapalaran na natin. Nangyari na ‘yan; let’s admit it. Talagang ganyan,” saad ni Gus.
Sa kasalukuyan, nakabalik nang muli sa Kapamilya channel ang crime docu-drama na “Scene of the Crime Operatives" o “S.O.C.O.” ni Gus.
Matatandaang Mayo 2020 nang tuluyang mawalan ng bisa ang 25-taong legislative franchise ng ABS-CBN Corporation matapos mag-no ang 70 kongresista sa pagbibigay ng prangkisa.
Bukod pa rito, binanatan din ang nasabing TV network ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa hindi nito pagpapalabas ng kaniyang campaign ads noong 2016.
Humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng network at ipinaliwanag na may limitasyon umano ang pagtanggap nila ng local ads.