Itinanggi ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang umano’y pagkakadawit niya sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa inilabas na pahayag noong Pebrero 14, 2026, sinabi ni Aguirre na wala siyang naging partisipasyon sa extrajudicial killings (EJK) at pinanindigang walang batayan ang pag-uugnay sa kaniya sa kampanya kontra droga.
“I hereby reiterate that I never engaged in any EJK or support its implementation. I believe that some people are trying very hard to link me to this War on Drugs to make it appear that EJK was part of their so-called Common Plan or a national policy of the Duterte administration for their EJK accusations against PRRD to be credible. I was never part of this War on Drugs and never participated in its implementation, if ever it was true,” ani Aguirre.
Dagdag pa niya, wala rin umano siyang pananagutan sa alegasyon ng crimes against humanity.
“Wala akong kinalaman sa akusasyon nila sa akin ng Crimes against Humanity. I did nothing wrong… I never conspired or participated in any extrajudicial killings. Besides, at that time, the Philippines was not yet a member of the ICC.”
Iginiit din ng dating kalihim na bilang DOJ Secretary noon ay siya pa ang tumulong upang makaharap ng pamilya ng mga napaslang na sina Kian Delos Santos, Carlo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kalaunan ay nauwi sa pagkakakulong ng mga pulis na sangkot sa mga kaso.
Matatandaangbatay sa inilabas na redacted document ng Office of the Prosecutor ng ICC noong Pebrero 2026, kabilang si Aguirre sa mga opisyal na pinangalanan bilang umano’y “alleged co-perpetrators” sa imbestigasyon hinggil sa crimes against humanity kaugnay ng anti-drug campaign mula 2016 hanggang 2019.
Kabilang din sa binanggit sa mga ulat ng ICC sina dating pangulo Rodrigo Duterte, dating PNP chief at ngayo’y Senador Ronald “Bato” dela Rosa, at Senador Christopher “Bong” Go, na pawang iniugnay sa umano’y pagpapatupad ng isang “common plan” laban sa ilegal na droga.
KAUGNAY NA BALITA: Dela Rosa, Go, atbp., co-perpetrators sa war on drugs ni FPRRD—ICC
Ayon sa prosekusyon ng ICC, may “reasonable grounds to believe” na nagkaroon ng malawak at sistematikong pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa droga sa panahong miyembro pa ng Rome Statute ang Pilipinas.
Nauna nang itinanggi nina Dela Rosa at Go ang mga paratang at sinabing wala silang direktang partisipasyon sa mga pagpatay.
KAUGNAY NA BALITA: 'One-sided, unfair!' Sen. Go, umalma sa alegasyong 'co-perpetrator' ni FPRRD
Sa kabila nito, nilinaw ng ICC na nasa yugto pa lamang ng imbestigasyon ang kaso at patuloy ang pangangalap ng ebidensya upang matukoy ang posibleng pananagutang kriminal ng mga indibidwal na pinangalanan sa dokumento.