Dahil sa kabi-kabilang mainit na usapin at pagdedebate ng mga mambabatas at opisyal ng Pilipinas tungkol sa West Philippine Sea (WPS), isa sa mga kadalasang tanong ng marami kung bakit nga ba ang Philippine Coast Guard (PCG) ang madalas na makikita sa mga balitang nagtatanggol sa nasabing teritoryo.
Ano nga ba ang pagkakaiba ng tungkulin ng PCG at Philippine Navy sa usapin ng WPS? Binalikan ng Balita ang kamakailang naging paliwanag at lumitaw ulit sa social media na informational video ni PCG Spokesperson Commodore Jay Tarriela tungkol sa nasabing usapin.
MGA PANGUNAHING MANDATO NA KAILANGANG SUNDIN NG PCG AT PH NAVY.
Paliwanag ni Tarriela, nakatuon daw sa maritime governance ang mandatong sinusunod ng PCG.
“Una sa lahat, ang Philippine Coast Guard at Philippine Navy ay magkaiba ang mandato Ang Philippine Coast Guard ay naka-focus sa maritime governance. Kapag sinabi mong maritime governance, tinutukoy nito ang maritime safety, marine environment protection, at maritime law enforcement,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Ito ang aming core functions na naaayon sa Republic Act 9993 at ipinapatupad namin mula sa ating mga panloob na katubigan hanggang Exclusive Economic Zone sa Pilipinas.”
Sa kabila nito, ang Philippine Navy naman daw ay bahagi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at “territorial defense” ang pangunahing mandato na kanilang sinusunod.
“Sa kabilang banda, ang tungkulin ng Philippine Navy na bahagi ng Armed Forces of the Philippines ay territorial defense. Ito ang kanilang pangunahing mandato na naaayon sa ating konstitusyon,” paglilinaw ni Tarriela.
Dahil dito, ano nga ba ang pagkakaiba ng PCG at bakit ito ang laging umanong nakikita sa mga balitang nagtatanggol sa WPS?
Ayon kay Tarriela, dahil daw ang PCG ay isang “civilian maritime enforcement agency” at ang paglalayag nila sa WPS ay maituturing na “non-military in nature.”
“Ito ay dahil sa ang Philippine Coast Guard ay isang civilian maritime law enforcement agency. Ang paglalayag namin sa ating katubigan ay itinuturing na non-military in nature,” aniya.
Dagdag pa niya, “Kumbaga, ang presensya ng mga puting barko ng coast guard ay mas naaangkop sa mga sitwasyong nangangailangan ng de-escalation at diplomasya.”
COAST GUARD DIPLOMACY
Mayroon din daw tinatawag na “Coast Guard diplomacy” na tumutukoy sa isang maingat at matalinong estratehiya na nagpapanatili ng presensya ng PCG sa sariling teritoryo ng Pilipinas gamit ang kanilang puting mga barko sa pamamaraang hindi agresibo at hindi rin makakapagpataas ng tensyon.
“Ito ang tinatawag naman natin Coast Guard diplomacy. Ito ay isang maingat at matalinong estratehiya upang mapanatili natin ang presensya ng Pilipinas sa ating teritoryo nang hindi nagpapataas ng tensyon,” paliwanag niya.
“Ginagamit ng Philippine Coast Guard ang aming mga puting barko upang magpakita ng presensya sa ating katubigan sa pamamaraang hindi agresibo. Hindi military vessel pero mayroong legal na awtoridad. Tayo ay assertive pero hindi rin naman escalatory an ating deployment,” ‘ika pa ni Tarriela.
Pagpapatuloy ni Tarriela, bukod sa Pilipinas, sinusunod din ng mga bansang China, Japan, Malaysia, Indonesia, Vietnam, at iba pa ang paggamit ng mga puting barko ng kanilang Coast Guard sa pagpapatrolya upang hindi rin magpataas ng tensyon sa ibang mga estado.
“Ang polisiyang ito ay naaayon din sa regional norm sa buong rehiyon. Bukod sa Pilipinas, pati China, Japan, Malaysia, Indonesia at Vietnam, at iba pang mga bansa ay umaasa rin sa kanilang white ships para sa pagpapatrolya. Layunin nating lahat na maiwasan ang mataas na tensyon at ang direktang military confrontation,” anang spokesperson.
“Sa pagde-deploy natin ng barko ng mga Coast Guard sa West Philippine Sea, malinaw ang ating mensahe. Ito ay nangangahulugan na alam natin ang ating karapatan at titindigan natin ito upang hindi magpasimula ng kahit anomang kaguluhan,” paalala pa niya.
Ngunit sa kabila ng mga ito, nilinaw pa rin ni Tarriela na ang Philippine Navy o iba pang sandatahang lakas ang Pilipinas ang mananatiling pangunahing mga ahensya pagdating sa pagtatanggol ng teritoryo ng bansa at hindi raw mapapalitan ng PCG ang PH Navy.
“Subalit h’wag nating isipin na papalitan ng Philippine Coast Guard ang trabaho ng Philippine Navy. Dahil ang sandatahang lakas ng Pilipinas ay kahit kahit kailanman ay mananatiling pangunahing ahensya pagdating sa pagtatanggol na ating teritoryo, soberanya, at ng ating mga kababayan na Pilipino,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Tarriela sa ‘di paggamit ng PCG ng water canon vs. CCG: ‘Ito ay pagpapakita ng propesyonalismo!’
KAUGNAY NA BALITA: ‘Despite shaming from pro-China politicians!’ Archbishop Villegas, pinuri tapang ni Tarriela
Mc Vincent Mirabuna/Balita