Inanunsiyo ng Tindig Pilipinas ang paglulunsad ng ikatlong bugso ng Trillion Peso March sa pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa darating na Pebrero 25.
Sa latest Facebook post ng Tindig Pilipinas nitong Miyerkules, Pebrero 11, inilatag nila ang mga detalye kaugnay sa ikakasang pagkilos.
Magsisimula ang aktibidad sa EDSA Shrine pagpatak ng 7:00 a.m. sa pamamagitan ng martsang panalangin na pangungunahan ng mga civil society at religious leader.
Susundan ito ng pre-program at pagbubukas ng mga booth mula 12:00 p.m. hanggang 3:00 p.m sa EDSA People Power Monument. Saka lang opisyal na magsisimula ang programang “Tayo ang People Power” pagkatapos nito.
Inaasahan umano ng grupo na sa ikatlong yugto ng Trillion Peso March ay mapagbubuklod-buklod muli ang lahat ng Pilipino sa iba’t ibang panig ng Pilipinas mula sa iba’t ibang sektor.
Kabilang sa kanilang mga ipapanawagan ay ang pagsasabatas sa Anti-Dynasty Bill upang matuldukan na ang dinastikong kapangyarihan at maibalik ito sa mamamayan.
Matatandaang unang inilunsad ang Trillion Peso March noong Setyembre 2025 bilang tugon sa talamak na anomalya sa likod ng flood control projects.
Maki-Balita: Mga lalahok sa 'Trillion Peso March,' walang sasantuhing politiko, wala ring dapat paboran—Kiko Aquino Dee