February 11, 2026

Home BALITA

'Expected po 'yan!' Malacañang, nag-react sa paglagpak ng Pinas sa Corruption Perceptions Index 2025

'Expected po 'yan!' Malacañang, nag-react sa paglagpak ng Pinas sa Corruption Perceptions Index 2025
Photo courtesy: RTVM/YT, Transparent.org/Website


Tahasang sinabi ng Palasyo na inaasahan na raw nilang lalagpak ang posisyon ng Pilipinas kung ang usapin ay may kinalaman sa katiwalian o korapsyon.

Kaugnay ito sa ranking ng Pilipinas sa Corruption Perceptions Index (CPI) 2025, kung saan mula sa 114, ito ngayon ay nasa 120 na.

Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Pebrero 11, idinahilan ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa pagbubukas ng imbestigasyon hinggil sa katiwalian sa bansa.

“Expected po ‘yan dahil binuksan po ng Pangulo ang isyu tungkol sa korapsyon. So, kung binuksan ng Pangulo ang korapsyon, magkakaroon ng pag-iimbestiga—at ito po ang ninais ng Pangulo, maimbestigahan,” saad ni Castro.

Anang press officer, nililinis umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang korapsyon na aniya’y nangyari sa nakaraan.

“So, noong nagkaroon ng imbestiga[syon], na-open ang mga natatago noon. Kaya, nililinis po ng Pangulo ang nangyari noong nakaraan. Lahat ng dumi noong nakaraan, nililinis ngayon,” aniya.

Giit pa niya, “So, expected po talaga na mabubunyag ang korapsyon na naganap noong nakaraan; at sa paglilinis pong ito, makikita po nila ang pagbabago para mas makita nila na pinipigilan at tinatanggal na ang korapsyon sa pamahalaan.”

Ayon sa CPI 2025, Denmark ang “least corrupt country,” samantalang nasungkit naman ng bansang Somalia at South Sudan ang pinakamababang puwesto.

Vincent Gutierrez/BALITA

4 na Aeta, ginawaran ng ₱100K centenarian cash gift