Patay ang isang siyam na taong gulang na batang babae, samantalang kritikal naman ang dalawa pa niyang kapatid na may edad 14 at 4, matapos umano silang pukpukin ng bato ng hindi pa nakikilalang salarin.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente mismo sa loob ng tahanan ng mga biktima sa Hacienda Badiang, Barangay E-Lopez, Silay, lalawigan ng Negros Occidental noong Sabado, Pebrero 7.
Base pa sa impormasyong nakalap ng mga awtoridad, Overseas Filipino Worker (OFW) sa bansang Saudi Arabia ang ina ng mga biktima, habang isang trabahador naman sa Bacolod City ang kanilang ama—na tuwing Sabado lamang kung umuwi.
Patuloy na nagpapagaling ang dalawang nakaligtas na magkapatid, matapos magtamo ng malulubhang sugat sa ulo bunsod ng pagkakapalo.
Hindi rin nakikitang motibo ng krimen ang pagnanakaw, dahil wala umanong senyales na may nawalang gamit sa bahay ng mga biktima.
Nakita naman sa gitna ng imbestigasyon ang dalawang bato at dalawang cellphone—na ang isa ay basag, na pawang pinalo rin ng bato.
Isiniwalat ng pulisya na may minamatahan na silang “person of interest” hinggil sa insidente.
Nag-alok na rin ang awtoridad ng ₱25,000 pabuya sa kung sinuman ang makapagtuturo sa suspek ng krimen.
Vincent Gutierrez/BALITA