February 07, 2026

Home BALITA National

Rep. Marcoleta, humirit i-frontline PCG spox, 'mayabang' na senador vs Tsina!

Rep. Marcoleta, humirit i-frontline PCG spox, 'mayabang' na senador vs Tsina!
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Tila tuluyang uminit ang ulo ni SAGIP Party-list Rep. Paolo Henry Marcoleta at iminungkahi niyang iharap daw sina Philippine Coast Guard Spokesperson Jay Tarriela, at mga mayayabang na senador sakali mang giyerahin ng China ang Pilipinas. 

Ayon sa naging pahayag ni Marcoleta sa kaniyang Facebook post noong Biyernes, Pebrero 6, 2026, sinabi niyang dapat daw na sina Tarriela at tinawag niyang “mayayabang” na senador ang unang lumusob at ibala sa kanyon laban sa China para makita raw ang tapang ng mga ito. 

“Kung sakaling giyerahin tayo ng Tsina, ihelera niyo sa harap ng bakbakan itong spox ng coastguard at yun mayayabang na Senador,” pagsisimula niya, “Sila ang unang lumusob. O kaya ibala niyo sa kanyon. Tignan natin ang tapang nila.” 

Photo courtesy: Paolo Henry Marcoleta (FB)

Screenshot mula sa FB post ni Marcoleta. 

National

17 ‘most wanted’ sa bansa, arestado na ng PNP

Ani Marcoleta, singilin daw dapat nila sina Tarriela at ang mga senador para sa ipangkakain at pangtutos ng mga mawawalan ng trabaho kapag nag-pull out ang mga Chinese investors sa bansa. 

“At kapag pinauwi ang daan-[daang] libong OFWs natin mula sa China at nag pull out ang mga Chinese investors dito sa bansa, singilin natin sa mga ulupong na ito ang ipapakain at pangtustos sa mga mawawalan ng trabaho, maging ang pamilya nila,” aniya. 

Diin pa ng nasabing mambabatas, ang mga pinatututsadahan daw niya ang tunay na mga “traydor” sa bansa dahil sa umano’y kayabangan ng mga ito. 

“Hindi kayo ang totoong pro-Philippines. Kayo ang traydor. Dahil sa kayabangan ninyo, nilalagay niyo sa alanganin ang mga Pilipino,” saad niya. 

Dagdag pa niya, “How do we correctly assert what is ours? Sa ngayon, walang iba kung hindi pakikipag [diyalogo] at diplomasya. Kaya ba natin silang talunin sa giyera?” 

Pagpapatuloy ni Marcoleta, kailangan daw munang maging kasing yaman ng Pilipinas ang ekonomiya ng China upang matapanan nito ang kanilang hukbong-sandatahan. 

“Kailangan muna maging kasing yaman ng Tsina ang ekonomiya natin para matapatan natin o mahigitan ang kanilang hukbong [sandatahan],” pagkukumpara niya. 

Ayon pa kay Marcoleta, hindi raw maipaglalaban ng mga Pilipino ang West Philippine Sea (WPS) sa pamamagitan ng tapang-tapangan. 

“Maging makatotohanan tayo. Hindi natin maipaglalaban ang WPS sa pagpapanggap, tapang-tapangan at pahashtag hashtag lang. Ginagawa lang itong campaign issue ng isang grupo. Wag po kayong magpapauto!” pagtatapos niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ni Tarriela at ilang mga senador kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: PCG Spox Tarriela, pinasalamatan sina SP Sotto, Sen. Ping sa pagpuna sa mga ‘traydor’ na senador!

KAUGNAY NA BALITA: 'Di ko sinabing ipamigay!' Sen. Marcoleta, mariing itinanggi suhestiyong isuko KIG

Mc Vincent Mirabuna/Balita