Sinopla ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag ang kumakalat na espekulasyon na inatake umano ng mga ahente niya ang Senado noong Mayo 13.
Sa ginanap na monthly balitaan forum ng Manila City Hall Reporters' Association (MACHRA) nitong Martes, Mayo 19, binigyang-diin ni Matibag na walang mga tauhan ng NBI na pumasok sa loob ng Mataas na Kapulungan.
“Wala kaming NBI diyan sa Senado,” lahad ni Matibag. “We have to be very clear with that. The Senate is renting the building from GSIS. It is one complex.”
“The building where the GSIS offices are located,” pagpapatuloy pa niya, “and the building where the offices of the Senate are located, magkahiwalay 'yan. But the separation is only through a door, and there's a platform of GSIS.”
Kaya kung mapapanood umano ang video noong nangyari ang Senate shooting, makikitang nasa GSIS talaga ang mga ahente ng NBI.
“I think the people who joined GSIS, the media can prove that, that there's really no one in the Senate. That's very clear,” sabi ni Matibag.
Dagdag pa niya, suportado umano ng isang request ang presensya ng NBI sa GSIS noong nagkaroon ng kaguluhan sa Mataas na Kapulungan.
Aniya, "We have a legal basis to be there, why we're in GSIS.”
Kaya malinaw umano na walang paglusob na nangyari sa Senado. Sa katunayan, anang NBI director, ang ahensiyang pinamumunan pa nga raw niya ang inaatake ngayon.
“So, do'n sa claim na stage ba 'yan or attack, sabi ko na kung siege man 'yan or anything, there's no siege. The Senate was never under attack. What happened is that the NBI is now under attack,” saad ni Matibag.
Nag-ugat ang gulo sa Senado nang sumulpot si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa session hall nito matapos lumiban nang kalahating taon dahil sa warrant of arrest laban sa kaniya mula sa International Criminal Court (ICC).
Maki-Balita: 'Legit!' ICC, kinumpirma arrest warrant laban kay Dela Rosa
Matatandaang pinangalanan ng ICC si Dela Rosa bilang “co-perpetrator” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa madugong giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyon nito.
Sa kasalukuyan, wala na ulit balita tungkol sa kinaroroonan ni Dela Rosa matapos nitong makatakas sa gitna ng kaguluhan sa Senado. Ngunit isinailalim siya ng Bureau of Immigration (BI) sa immigration lookout order upang mabantayan ang galaw niya.
Kaugnay na Balita: Sen. Bato, sinamantala gulo sa Senado para tumakas—Misis