Sumampa sa walo ang bilang ng mga nasawi dahil sa hagupit ng bagyong Basyang kamakailan, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong umaga ng Sabado, Pebrero 7.
Base pa sa tala ng ahensya, tatlo sa mga nasawi ay nagmula sa Iligan City; ang isa ay mula sa Agusan del Norte; at ang apat dito ay ang pamilyang naiulat na natabunan ng lupa sa kanilang bahay sa Cagayan de Oro City.
MAKI-BALITA: 4 na miyembrong pamilya, nasawi sa landslide bunsod ng bagyong Basyang
Ang mga nasabing tala ay kasalukuyang nasa ilalim ng validation ayon kay OCD deputy spokesperson Diego Mariano.
Bukod sa mga naitalang nasawi, tinatayang 100,375 indibidwal o 27,572 pamilya mula sa 189 barangay sa Region 13 ang mga naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Basyang.
Sa kabuoang bilang na ito, 20,424 indibidwal o 6,384 pamilya ang kasalukuyang naninirahan sa 197 evacuation centers.
Habang 614 indibidwal o 192 pamilya ang nakikisilong sa kanilang mga kaanak o kaibigan.
Base pa sa OCD, nagkakahalagang ₱599,893.60 ang tulong na ipinaabot sa 1,333 pamilyang nasalanta ng Basyang, kabilang dito ang bigas at food packs.
Sean Antonio/BALITA