Inilahad ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV na suko na raw siya sa paniniwala kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla.
Ayon sa naging pahayag ni Trillanes sa isang panayam sa kaniya ng media noong Huwebes, Mayo 14, 2026, sinabi niyang “incompetent” daw si Remulla sa panunungkulan nito.
“Alam mo, suko na ako dito kay Secretary Jonvic,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “If you think, at one point, he cannot tough yong incompetence niya. Talagang he keeps on doing himself.”
Ani Trillanes, paano raw maisasakatuparan ni Remulla ang layunin niyang proteksyunan sa kabila ng mga kaguluhan sa Senado si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa noong gabi ng Miyerkules kung nakaalis na raw ang senador sa nasabing lugar.
“Grabe ‘yon. Sinabi niya kahapon, he’s there to protect Bato. If you’re there to protect Bato, ba’t nakalusot sa ‘yo? Papaano mo siya mapoproteksyunan?” kuwestiyon niya.
Buwelta pa niya, “So I give up on the guy.”
Puna ni Trillanes, muli pa raw bubuhayin ang subpoena ng mga awtoridad laban kay Dela Rosa matapos nila itong i-hold bago pa maganap ang kaguluhan sa Senado.
“‘Yon na nga. Meron daw subpoena pero no’ng nandodoon na, ni-cancel ‘yong subpoena. Ngayong wala na, ire-revive ‘yong subpoena,” aniya.
Pagpapatuloy niya, wala na raw siyang inaasahan kay Remulla sa panahon ngayon sa kabila ng mga nakita niyang ikinilos ng naturang kalihim.
“Alam mo, at this point in time, hindi na ako nafru-frustrate kay Secretary Jonvic kasi zero expectations na ako sa kaniya, e. ‘Yon na ‘yon,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang isa si Trillanes sa masugid na nagtangkang tumugis kay Dela Rosa habang bitbit ang kopya ng inisyung arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa nasabing senador noong Lunes, Mayo 11.
Sa kabila nito, mariing nanindigan sa publiko si Remulla na hindi niya raw aarestuhin si Dela Rosa sa naging personal na pagpunta niya sa Senado kasunod ng tensyon at napaulat na putukan dito.
Habang sinusulat ito, wala pa naman inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag si Remulla kaugnay sa nasaad na ito ni Trillanes tungkol sa kaniya.
KAUGNAY NA BALITA: ‘I will not arrest him!’ Pagdating ni SILG Remulla sa Senado, ‘di para arestuhin si Sen. Bato!
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin, 'person of interest' para matukoy kinaroroonan ni Sen. Bato—NBI