February 07, 2026

Home OPINYON Ka-Faith Talks

#KaFaithtalks: Saan ba makikita ang hinahanap na ‘forever?’

#KaFaithtalks: Saan ba makikita ang hinahanap na ‘forever?’
Photo courtesy: Freepik

Totoo bang may “forever” sa pag-ibig? 

Para sa ilan, ang pag-ibig ay natatapos kapag ang patuloy na nagbibigay ay napagod o naubos na dahil hindi na nasusuklian ang pag-ibig na kanilang ibinubuhos. 

Kaya sigaw ng ilan, “lahat nagloloko,” o kaya’y “sa una lang ‘yan.” 

Masakit man aminin, wala talagang permanente sa mundo, lahat natatapos, lahat may hangganan, pero iba ang pagmamahal ng Panginoon. 

Ka-Faith Talks

#KaFaithtalks: Kailan nga ba dapat magpatawad?

Sabi Niya sa Jeremias 31:3, “inibig kita ng walang hanggang pagibig: kaya't ako'y lumapit sa iyo na may kagandahang-loob.”

Tandaan, sinabi Niya, “walang hanggan,” taliwas sa sigaw ng marami na “walang forever!” 

Sa sobrang pagmamahal ng Panginoon, Siya pa ang lumalapit at sumusuyo sa atin para bumalik at kausapin Siya (Jeremias 29:12-14). 

Ang pagmamahal Niya ay agape o sacrificial, hindi transaksiyonal, hindi kondisyunal, na kapag may pangangailan lang, doon lang Niya ipaparamdam. 

Sa kabila ng mga pagkukulang natin, mga pangakong napapako, nananatili Siyang tapat at malapit. 

Napapansin mo  rin ba na sa mga sitwasyon na akala mo hindi mo kakayanin, nakakalagpas ka? O kaya’y kapag pakiramdam mo para ka nang nauupos na kandila, may mga bagay o taong nagpaparamdam sa’yo na hindi ka nag-iisa? 

Isa ‘yon sa mga paraan ng Panginoon para ipakita sa atin na bukod sa walang hanggan ang pag-ibig Niya, nasa paligid din natin ito, kailangan lang natin buksan ang mga mata natin para makita ito. 

Kaya kung naghahanap ka ng “forever” sa mundong ‘to, mabibigo ka, dahil sa Panginoon mo lang ‘to matatagpuan–”eyes on Jesus” ika nga sa Bibliya. 

Bukod pa rito, para matuto kung paano tumanggap at magbigay ng pag-ibig na pupuno sa sarili at sa iba, ilapit ito sa Diyos, dahil bago pa natin Siya mahalin at piliin, minahal at pinili na Niya tayo (1 Juan 4:19). 

Sean Antonio/BALITA