Tila kumpiyansa umano si Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima na magiging sufficient in form at sufficient in substance ang inendorso nilang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa naging pahayag ni De Lima sa kaniyang post sa “X” nitong Sabado, Pebrero 7, 2026, nagawa niyang sagutin ang naging buwelta ni Duterte na wala raw kalakip na ebidensya ang inendorso nilang impeachment complaint, kasama si Akbayan Rep. Percival "Perci" Cendaña noong Lunes, Pebrero 2, 2026.
“[‘Yong] sinasabi ni VP Sara na ‘isang papel na walang kalakip na kahit anong ebidensya’ ay siya rin mismong mga akusasyon na matagal na niyang iniiwasang sagutin,” pagsisimula niya.
Screenshot mula sa post ni De Lima.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara binira si Sen. Risa: 'Walang kredibilidad ang Akbayan!'
Ani De Lima, dapat daw alalahanin ni Duterte na na-impeach na siya dati ng Kamara base sa mga pangunahing grounds na nakalagay sa inendorso na rin nila noon ni Candaña.
“Alalahanin natin na na-impeach na sya dati ng House based on essentially and primarily the same substantial grounds na nakalagay sa complaint na inendorso namin ni Rep. Perci Candaña,” aniya.
Dagdag pa niya, “Kaya nga lang, napawalang bisa ng Korte Suprema yung Articles of Impeachment dahil sa teknikalidad. If it were not for a technicality, she should have been tried in the Senate.”
Pagpapatuloy ni De Lima, “confident” daw sila sa inindorso nilang bagong impeachment complaint laban kay Duterte dahil nadagdagan pa raw ang grounds nito.
“For the complainants and for us—the endorsers of the 2nd complaint—the evidence is strong. Nadagdagan pa nga ito. We are confident that it is sufficient in form and substance to move forward to evidentiary hearings in the House Committee on Justice and to be transmitted to the Senate for trial,” diin niya.
Buwelta pa niya, “At sa paglilitis, hindi pwedeng ang sagot niya ay patutsada o ‘pamomolitika’ lang.”
Ayon pa kay De Lima, dapat daw na patunayan ni Duterte na walang basehan ang umano’y kanilang mga alegasyon maaari itong managot sa akusasyong paglustay sa pera ng taumbayan.
“Patunayan nyang walang basehan ang mga alegasyon, dahil kung hindi, dapat siyang managot sa mga akusasyon ng paglustay sa pera ng taumbayan,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, hindi pa naman naglalabas ng bagong pahayag, reaksyon, o tugon si Duterte kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Di na ito bago!' VP Sara, umalma sa bagong impeachment complaint sa kaniya
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, humanda na bilang unang VP na mai-impeached!—Akbayan Partylist
Mc Vincent Mirabuna/Balita