Isang rider ang patay nang makatulog habang nagmamaneho ng motorsiklo at sumalpok sa isang poste ng kuryente sa Tanay, Rizal, nabatid nitong Biyernes, Pebrero 6.
Naisugod pa sa East Avenue Medical Center ang biktimang si "Julio," 31, caretaker, at residente ng Brgy. Sampaloc, sa Tanay ngunit idineklara na ring dead-on-arrival ng mga doktor bunsod ng tinamong mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Batay sa ulat ng Tanay Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-4:45 ng madaling araw ng Martes, Pebrero 3 nang maganap ang insidente Marilaque Highway, sakop ng Sitio Hinadyungan, sa Brgy. Sampaloc.
Nauna rito, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo at binabagtas ang naturang lugar nang makatulog ito.
Dahil dito, nawalan ng kontrol sa motorsiklo ang biktima at tuluyang bumangga sa isang poste ng kuryente.
Sa tindi ng impact nang pagkakabangga, tumilapon ang biktima at padapang bumagsak sa madamong bahagi sa gilid ng kalsada.
Kaagad naman siyang naisugod sa pagamutan ngunit nasawi rin.