Arestado ang dalawa sa tatlong suspek sa isang “gas-and-go” incident na naganap sa isang gasolinahan sa Barangay Payatas, Quezon City noong Lunes, Abril 20.
Sa ulat na ibinahagi ng Quezon City Police District (QCPD) noong Martes, Abril 21, mabilis na tumakas ang mga suspek matapos magpakarga ng gasolinang aabot sa halagang ₱1,500.
Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, katuwang ang Land Transportation Office (LTO), napag-alamang nakarehistro sa isang lalaking nagngangalang “Christian” sa Taguig City ang sasakyang ginamit at pinakargahan ng mga suspek.
Samantala, kinumpirma naman ng lalaki na ipinahiram niya ito sa kaniyang “associate” na si alias “Tyron,” 35-anyos na residente ng Barangay San Rafael, Rodriguez, Rizal.
Sa naturang lugar naaresto si alias Tyron, kasama ang isa pang suspek na kinilala bilang si alias “Ricky.”
Isiniwalat pa ng mga operatibang natiklo na noong Pebrero 2017 si alias Tyron sa kasong “Serious Physical Injuries” sa isang gasolinahan sa Barangay Balite, Rodriguez, Rizal.
Patuloy pa rin ang paghahanap sa isa pang suspek na si Lloyd Santos Araneta, o mas kilala bilang si Botchoy.
Anang awtoridad, mayroon daw itong record sa paglabag sa R.A. 9165 noong Hulyo 2017 at “frustrated murder” noong Pebrero 2020.
Sinampahan ng kasong Estafa ang mga natiklong suspek, at sila ay kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad.