Tila positibo raw si dating Act Teacher Party List Rep. France Castro na magiging maganda ang usad ng bagong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte na inihain nila lalo na raw kung hindi makikialam si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
KAUGNAY NA BALITA: 'Round 2!' Makabayan bloc, naghain ng impeachment complaint vs VP Sara
Ayon kay Castro, sa isinagawa nilang Legal at political perspectives forum nitong Biyernes, Pebrero 6, sinabi niyang naging matagal daw ang naging usad ng impeachment complaint laban kay VP Sara noon dahil sa marami itong naging “distractions” at tila raw si PBBM ang kumukumpas umano sa Kongreso.
“Ako, personally, medyo positive naman ako ngayon,” pagsisimula niya, “Huwag lang makikialam si Presidente.”
Dagdag niya, “Kasi noong mga panahon na ‘yun, nadadali-dali siya, e. Maraming mga distractions noon. Maraming mga barriers na mismong ang Presidente Marcos ‘yong kumbaga kumukumpas sa Kongreso kaya nga tumagal ‘yan.”
Ani Castro, nakaakyat na raw sana noon sa Senado nang mabilis ang reklamo laban kay VP Sara kung hindi na hinintay ang pang-apat (4th) na impeachment complaint noong Pebrero 2025.
“‘Yong impeachment complaint, ‘yong tatlo, isinubmit ‘yun December tapos ‘yong pang-apat [ay] February. So ang tagal no’ng hinantay,” aniya.
“So kung noong December pa lang ay naging malinaw na ‘yong approach positively para mag-go na itong impeachment kay Sara, sana nagtuloy-tuloy itong trial doon sa Senate,” paliwanag pa niya.
Pagpapatuloy ni Castro, tinitingnan pa rin daw nila ngayon ang bilang ng posisyon ng mga senador sa Senado kaugnay na sa nasabing impeachment complaint dahil “numbers game” daw ang kanilang labanan.
Pahabol pa niya, tila magiging iba raw ang resulta sa nasabing impeachment ngayon laban kay VP Sara hindi kagaya noong panahon ng liderato ni dating Senate President Chiz Escudero sa Senado.
“Tinitingnan pa rin naman natin ‘yong bilang kung sakaling makarating ito sa Senado kasi kagaya ng sinabi natin, numbers game ito. So titingnan natin kung ano na ‘yong posisyon ng iba pa na mga member ng Senate kung sakaling dumating sa kanila,” saad niya.
“Pero tingin ko, hindi naman ito magiging parang fate sa panahon ni Escudero,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si PBBM at maging ang Palasyo kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Round 2!' Makabayan bloc, naghain ng impeachment complaint vs VP Sara
KAUGNAY NA BALITA: 'I am being briefed!' SP Sotto, naghahanda sa posibleng pagratsada ng impeachment ni VP Sara
Mc Vincent Mirabuna/Balita