Isinapubliko ni dating Vice President at ngayo'y Naga City Mayor Leni Robredo ang mga napag-usapan nila sa isang breakfast meeting kasama si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon at ang kaniyang team, na magbibigay-solusyon sa iba’t ibang suliranin at pangangailangan ng lungsod, partikular sa usapin ng imprastruktura, traffic, at pagbaha.
Ayon sa Facebook post ni Robredo, nitong Huwebes, Pebrero 5, naging malaking tulong ang nabanggit na meeting para mailatag ang mga isyung kinahaharap ng lungsod.
Kabilang daw sa mga pangunahing napagkasunduan ang retrofitting ng national roads sa loob ng Naga, lalo na sa mga lugar na mataas ang daloy ng sasakyan, upang mapabuti ang traffic at mobility sa siyudad.
Nagpahayag din umano ng commitment si Dizon na tapusin ang ilang matagal nang nakabinbing proyekto sa Naga, gaya ng CESAR Building, 12-classroom school building sa City College of Naga, multi-purpose gymnasium sa Balatas, at iba pang kahalintulad na imprastruktura.
Tinalakay rin ang kalagayan ng JMR Coliseum na personal umanong nasaksihan ni Dizon sa kaniyang pagbisita sa lungsod. Nangako ang kalihim na bibigyan ng pondo ang pagsasaayos ng pasilidad bago matapos ang taong 2027.
Sa usapin naman ng pagbaha, tiniyak ni Dizon ang tulong ng pambansang pamahalaan sa paghahanap ng nature-based solutions, dahil kabilang ang Naga sa mga pilot site ng Oplan Kontra Baha. Pag-aaralan din ang mga posibleng hakbang upang maresolba ang drainage problems na dulot ng Balatas–Cararayan Road Widening.
Kasama rin sa mga napag-usapan ang feasibility ng pagtatayo ng Convention Center na planong ilagay sa Haciendas de Naga, na kasalukuyang sinusuri dahil sa laki ng pondong kakailanganin upang makumpleto ang proyekto. Bukod dito, tiniyak ni Dizon ang suporta ng pamahalaan sa iba pang mahahalagang proyekto ng lungsod, kabilang ang mga pantalan at iba pang pasilidad.
Ibinahagi rin ni Dizon ang mga plano para sa rehabilitasyon ng Maharlika Highway at ng Bicol River Basin Development Program, na layong mapabuti ang konektibidad at flood control sa rehiyon ng Bicol.
Nagpasalamat naman si Robredo kay Kenneth Isaiah Ibasco Abante sa pagtulong sa pagpapaliwanag ng mga plano hinggil sa retrofitting of roads para sa mas maayos na mobility sa lungsod ng Naga.