February 05, 2026

Home BALITA National

Cyber libel case ni Sen. Risa Hontiveros laban sa ilang personalidad, ibinasura

Cyber libel case ni Sen. Risa Hontiveros laban sa ilang personalidad, ibinasura

Ibinasura ng prosecutor's office ang reklamong cyber libel na inihain ni Sen. Risa Hontiveross laban sa ilang mga personalidad, matapos umanong mabigong makitaan ng sapat na ebidensya upang magsampa ng kaso sa korte.

Batay sa resolusyon ng National Prosecution Service (NPS) ng Department of Justice (DOJ), walang prima facie evidence na magpapatunay na ang mga pahayag ng mga inirereklamo ay ginawa nang may actual malice—isang mahalagang elemento sa kasong libelo.

Ayon sa inilabas na dokumento ng panel, hindi umano napatunayan na alam ng mga respondent na mali ang kanilang mga pahayag o na ginawa ang mga ito nang may hayagang pagwawalang-bahala sa katotohanan.

Nilinaw sa resolusyon na ang mga pahayag na ginawa ng mga respondent, sa pamamagitan ng online videos at nakasulat na komento, ay may kaugnayan sa isang video ng testigong si Maurillo, na iniharap sa isang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng umano’y human trafficking, sexual abuse, at exploitation sa loob ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC). Sa naturang video, umatras si Maurillo sa mga naunang pahayag at iginiit na siya umano’y naimpluwensiyahan upang tumestigo.

National

Inflation rate noong Enero 2026, pumalo sa 2.0%—PSA

Ayon pa sa DOJ panel, ang mga pahayag ng mga respondent laban sa senadora ay maaaring ituring na nakasasakit, subalit hindi awtomatikong nagiging batayan ng kasong kriminal. Binanggit din sa resolusyon ang posisyon ng Korte Suprema na ang pagiging “sensitibo” ng isang opisyal ng gobyerno ay hindi dapat maging hadlang sa malayang talakayan ng mga isyung may kinalaman sa pampublikong interes, lalo na kung maaari itong magdulot ng chilling effect sa publiko.

"The declarations of the respondents against complainant [Sen. Risa] Hontiveros-Baraquel may have been offensive, but they are not actionable by themselves. The Supreme Court has remarked that 'being sensitive’ has no place in this line of service, more so when allowing otherwise has the potential to create a chilling effect on the public," mababasa sa dokumento.

Dahil dito, inirekomenda ng panel ang pagbasura sa reklamo para sa cyber libel sa ilalim ng Article 355 ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Section 4(c)(4) ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Kabilang sa mga respondent ng dinismiss na kaso sina Atty. Ferdinand Topacio, Byron Cristobal na kilala bilang “Banat By,” Jeffrey Celiz o “Ka Eric,” Krizette Laureta Chu, Jose Jay Sonza, at Alex Destor na kilala rin bilang “Tio Moreno.”

Sa huli, sinabi ng panel na walang sapat na batayan upang asahan ang makatuwirang posibilidad ng hatol na pagkakasala laban sa alinman sa mga inireklamo, dahilan upang tuluyang irekomenda ang pag-dismiss ng kaso.

Inilabas ang desisyon sa petsang Disyembre 22, 2025, sa City of Manila. 

Inirerekomendang balita