February 04, 2026

Home BALITA National

'Walang merito!' Palasyo ikinatuwa pagbasura sa impeachment complaints vs PBBM

'Walang merito!' Palasyo ikinatuwa pagbasura sa impeachment complaints vs PBBM
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB


Masaya ang Malacañang sa resulta ng ginawang pagdinig hinggil sa dalawang impeachment complaints laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa naturang pagdinig, ibinasura ng House Committee on Justice nitong Miyerkules, Pebrero 4 ang impeachment complaints na inihain ni Atty. Andre de Jesus at Makabayan bloc laban kay PBBM.

Sa pakikipanayam ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa media nito ring Miyerkules, Pebrero 4, sinabi niyang masaya ang Pangulo dahil nasunod umano ang proseso sa naturang impeachment case.

“Unang-una po ay ikinatutuwa po natin na nasunod ang proseso; at nagpapasalamaat po tayo na nakita po ng mga mambabatas kung ano po talaga ang katotohanan—at doon po tayo lagi sa katotohanan,” saad ni Castro.

Diin ni Castro, wala naman daw kasi talagang merito ang mga complaints, kung kaya’t kumpiyansa si PBBM dahil hindi naman daw ito gumawa ng “impeachable offense.”

“Nakita po natin na talaga namang walang merito ang nasabing mga complaints at maski na po ang Pangulo ay kumpiyansa na wala siya pong ginawang anumang impeachable offense,” ani Castro.

“So, maraming salamat po diyan at sa ngayon po, tutok po ang Pangulo sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa. Kaya sabi po niya, let’s move forward,” dagdag pa niya.

National

Sec. Frasco sa isyu sa promo materials ng DOT: 'I'm very visible because I'm simply working'

Paglilinaw ng press officer, hindi napanood ng Pangulo ang proseso dahil ito raw ay may dinaluhang dalawang pagpupulong—pribado at malaking pagpupulong.

Giit pa niya, hindi rin daw makatotohanang kumpiyansa si PBBM na mababasura ang impeachment dahil lamang sa ang liderato ng Kamara ay kaniyang alyansa o anak—kung hindi dahil alam nito na wala itong ginawang aksyon na maaaring magpa-impeach sa kaniya.

Vincent Gutierrez/BALITA