Tila pinagsabihan ni Sen. Raffy Tulfo si Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Frasco hinggil sa mga umano’y natanggap niyang reklamo mula sa netizens.
Kaugnay raw ito sa tila “self-promotion” na ginagawa ni Sec. Frasco, dahil sa madalas na paglabas ng imahe nito sa tourism promotion materials ng ahensya.
Sa ikinasang pagdinig ng Senate Committee on Tourism nitong Martes, Pebrero 3, sinabi ni Sen. Raffy na base sa hinaing ng netizens, tila pino-promote ni Sec. Frasco ang kaniyang sarili—na dapat ay ang Pilipinas.
“What I’m saying is…’yong presence mo doon, ‘yong sa picture na ‘yan, it doesn’t fit in sa taste ng mga Pilipino na nakakakita po niyan. Kaya nga po bina-bash po kayo [at] hanggang sa pumunta po sila sa action center ko para magreklamo…,” saad ni Sen. Raffy.
“Kasi ang nangyari ma’am e ang dating daw sa kanila, parang pino-promote mo ‘yong sarili mo versus dapat ‘yong Pilipinas ang pino-promote mo…o ‘yong mga probinsya ang pino-promote mo versus you’re promoting yourself. ‘Yon po ‘yong dating sa mga tao…Maybe we have to refrain from doing that. We can use models siguro,” dagdag pa niya.
Sagot naman ni Sec. Frasco, nauunawaan niya at nagpapasalamat siya dahil nabanggit ang nasabing isyu—pero giit ng kalihim—sinusubukan niyang maging “present” sa mga destinasyon. Aniya pa, wala rin daw siyang balak kumandidato sa Halalan 2028.
“I completely hear you, Senator [Raffy], and I am grateful that you have brought these matters to light. But since I have the floor, I would just like to reiterate my position that I have tried to be as present as possible in our destinations and for our stakeholders. That is the extent of the duty that I have exercised and nothing more,” ani Sec. Frasco.
Giit pa niya, “I have no national ambition. I am not running for any national position. And therefore, any accusation of self-promotion would fall flat because I’m not running for any national position in 2028, and therefore, there would be no reason for me to promote myself.”
Buwelta naman ni Sen. Raffy, hindi niya sinabing kakandidato si Frasco. Aniya, ang mga tao ang umano’y nakakahalata na tila pino-promote ng kalihim ang kaniyang sarili sa anumang rason.
Kung ikukumpara din daw sa Vietnam, Korea, Malaysia at Japan, hindi umano nakikita ang pagmumukha ng mga tourism secretaries ng mga nabanggit na bansa sa kanilang tourism materials.
Giit pa ng mambabatas, “...what we’re saying here ma’am, please, ‘wag mong i-promote ang sarili mo. ‘Pag pumunta ka sa isang lugar, kung ano ‘yong mga kulang doon, punahin mo and then punuan mo. ‘Yon po ‘yong point ng mga netizens na lumapit po sa akin. It has nothing to do about you—it has something to do na may problema, at sinasabi nila kung ano ‘yong problema na dapat punuan natin ngayon."
Bilang sagot, masaya raw na isusumite ni Frasco sa opisina ni Sen. Raffy ang lahat ng promotional efforts na kanilang ginawa na walang mukha niya—patunay umano ng walang-tigil nilang promosyon ng tourist destinations ng bansa sa kabila ng limitadong pondo.
Matatandaang nag-viral kamakailan ang reklamo ng isang photographer sa DOT. Aniya, pinag-shoot umano sila mula Region 1 hanggang 13, ngunit tila mukha lamang ni Sec. Frasco ang makikita sa materyal.
“Yung pinag-shoot n’yo kami ng Region 1 to Region 13… almost 320 tourist spot. 236,000 photos. 6,500 video materials. Tapos eto lang pala ilalagay n’yo, DOT,” saad sa kaniyang Facebook post.
MAKI-BALITA: Photographer, tumalak sa DOT: 'Pinag-shoot n’yo kami ng Region 1 to Region 13 tapos eto lang pala ilalagay n’yo?!'-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA