Isang boses na naman ng Pilipino ang nagpabilib sa mga banyaga, matapos tanghaling “grand winner” ng kompetisyong “Veiled Cup Korea” si Pinoy artist Arabelle Dela Cruz.
Sa ibinahaging Instagram (IG) post ng Sparkle GMA Artist Center nitong Linggo, Pebrero 1, inanunsyo ang pagkapanalo ni Arabelle sa naturang kompetisyon.
Makikita sa video na masayang binuhat ng mang-aawit ang kaniyang natanggap na tropeo, tanda ng kaniyang pagkapanalo sa Veiled Cup Korea.
Ang Veiled Cup Korea ay isang reality singing show sa bansang Korea, kung saan nakakubli ang mga mang-aawit—na kilala lamang base sa kani-kanilang mga bansag at lugar na kinalakhan.
Maliban kay Arabelle, kinilala rin sa kompetisyon ang husay at galing ng Filipino artists na sina Thea Astley at Garrett Bolden.
Bago tanghaling kampeon ng nasabing Korean competition, Si Arabelle ay nauna nang tinanghal bilang The Clash 2025 1st Runner-up, at Tawag ng Tanghalan (TNT) Season 2 Top 5 Grand Finalist.
Vincent Gutierrez/BALITA