Ibinahagi sa publiko ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ang natunugan umano niyang balak pagtakbo nina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III, Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, at iba pang senador bilang Pangulo para sa Halalan 2028.
Ayon sa naging panayam ng Sa Totoo Lang ng One PH kay Trillanes noong Martes, Enero 13, sinabi niyang nasa ilalim pa lang daw ng pagpili ang mga nasa “middle forces” kung sino sa kanila ang tatakbo bilang Pangulo sa susunod na halalan.
“Doon sa hanay ng mga middle forces na tintatawag ko ay merong selection committee na nagaganap sa kasalukuyan. Eventually, may mga criteria sa pagpili at ‘pag natapos ‘yang proseso na ‘yan ay itutulak nila ‘yong prefered candidate from the middle forces,” pagsisimula niya.
Ani Trillanes, nabalitaan naman daw niyang sina Torre at Remulla ang nagbabalak tumakbo sa mataas na posisyon sa 2028 mula sa “administration side.”
“Doon naman sa administration side, ang nababalitaan natin, ang mga nag-aaspire tumakbo for President ay si General [Nicolas] Torre at itong si Secretary Jonvic Remulla. Ito naman ay sila naman ang bahala kung paano nila ipo-promote ang sarili nila,” aniya.
Pagkukuwento ni Trillanes, patuloy pa rin niyang tinutulak ang mungkahing magsanib-pwersa ang mga kakampink, middle forces, at administration side para malabanan ang mga Duterte sa darating na eleksyon.
“Ako po, personally, ang tinutulak ko ay magsanib-pwersa ito. ‘Yong mga Kakampink, ‘yong mga middle forces, at ‘yong admin para mas malakas ang pwersa para matalo ‘yong mga Duterte sa 2028 [election],” saad niya.
Anang dating senador, kinokonsidera naman daw sa hanay ng mga Kakampink ang pagtakbo nina Sen. Risa Hontiveros at Sen. Kiko Pangilinan para sa pagka-Pangulo, habang tinanggihan na umano nina Sen. Bam Aquino at Naga City Mayor Leni Robredo ang pagtakbo sa nasabing posisyon.
“Ngayon po, ang kinokonsidera na lang ay si Sen. Risa Hontiveros saka si Sen. Bam Aquino. Si Sen. Kiko [Pangilinan] saka si Mayor Leni [Robredo], nag-beg off na sila. Kaya ito na lang dalawa ang nasa-subject sa [Presidential race],” pagbabahagi niya.
Pagpapatuloy pa niya, tila hindi pa raw huli ang lahat kagaya ng dati na rin umanong pagtakbo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang Pangulo noong 2014 sa huling sandali bago magsimula ang eleksyon.
“Ngayon, maraming nagsasabi niyan na parang hindi sila matunog o kung anoman. Kung aalalahanin natin, si [Rodrigo] Duterte mismo noong 2014, around this time two years before the election, ay hindi pa rin kumbaga matunog ‘yong pangalan niya,” pagkukumpara niya.
Dagdag pa niya, “Tumunog lang ‘yong pangalan niya noong December na noong nag-substitute. Even si President Marcos, just before the filing, hindi naman siya matunog kundi nandodoon lang siya—he’s just one of the alternatives.”
Ayon pa kay Trillanes, nasa mga nagbabalak na rin daw tumakbo bilang Pangulo sa 2028 kung papaano nila sisimulang ang kanilang preparasyon sa lalo’t madaling panahon.
“But eventually, kapag nag-consolidate na lahat towards the filing ay ano ‘yan. Pero kailangang ‘yong initial leg work nila… ‘yong personal preparation nila ay nagsisimula na,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes
MAKI-BALITA: 'Baka ma-impeach agad ako!' sey ni Torre sa posibleng pagtakbong VP sa 2028
Mc Vincent Mirabuna/Balita