Nagbigay ng suhestiyon si dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV na kailangan daw magkaisa ng mga lider ng middle forces at Marcos base para masigurong hindi mananalo ang Duterte Bloc sa Halalan 2028.
Ayon sa naging panayam ng political analyst na si Richard Heydarian kay Trillanes na naka-live sa kaniyang Facebook account nitong Biyernes, Disyembre 12, sinabi niyang nahahati ngayon sa apat na panig ang political train sa bansa.
“The political train is divided into four blocs. The Duterte bloc, the Marcos bloc, the middle forces, and the non-aligned—the people who are busy living life,” pagsisimula niya.
Ani Trillanes, pinakamalaking panig daw sa mga ito ang non-aligned base ngunit kapag pinagsama ang middle forces at Marcos base, magiging mas malaki ito ng kaunti sa Duterte base.
“Ang pinakamalaki diyan ‘yong mga non aligned. Kapag pinagsama mo ‘yong middle forces and the Marcos base, slightly higher siya doon sa Duterte base,” aniya.
Pagpapatuloy pa ni Trillanes, para masigurong hindi mananalo ang pwersa ng mga Duterte sa darating national election sa 2028, kailangang magkaisa ng middle forces at Marcos base para malabanan ang kabilang panig.
“Ang pinaka ano dito… at least the middle forces, the leaders should embrace the reality that we cannot do this alone kaya the only way for us to make sure na hindi Dutertes ang mananalo sa 2028 is mag-unite with the Marcos base,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, “Ang bottom line kasi dito is the narrative in 2028 should be between the Dutertes and the anti-Dutertes. So ganoon lang ‘yon.”
Samantala, binigyang-diin din ni Trillanes ang kahalagahan umano ng mga ginagawa ngayon nina Sen. Bam Aquino at Sen. Kiko Pangilinan upang mas maimpluwensyahan pa ang masa na pumanig sa kanila para sa darating na national election sa 2028 upang malabanan ang pwersa ng mga Duterte.
MAKI-BALITA: 'Why not?' Trillanes, handang magsampa ng ethics complaint laban kay Sen. Bato
Mc Vincent Mirabuna/Balita