Fly me to the moon…
Nakatakdang makita sa kalangitan ang kauna-unahang full moon sa taong 2026 sa gabi ng Sabado, Enero 3.
Ayon sa mga lathala ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) at National Geographic, ang full moon na ito ay isa kinokonsidera din bilang supermoon, na isang pangyayari na nakikita ang buwan nang 14% mas malaki at 30% mas maliwanag kaysa sa aktwal nitong sukat at liwanag.
Kilala rin ang full moon na ito bilang “Wolf Moon” dahil base sa pinanggalingan nitong Celtic o Old English culture, kadalasang naririnig ang mga alulong ng mga lobo sa kasagsagan ng Enero o mid-winter, ayon naman sa lathala ng Old Farmer’s Almanac at USA Today.
Ayon naman sa Royal Museums Greenwich, kilala rin ang buwan na ito sa mga pangalan na old moon at ice moon.
Sa Pilipinas, may ilan ring paniniwalang sinusunod ang ilan tuwing my full moon.
Una na rito ang pagkakaroon ng pagbabago sa katinuan at pagkilos ng isang tao tuwing may full moon, at ang direktang pagtingin sa buwan ay nagdudulot ng pagkabaliw dahil pinaniniwalaan na ang paglitaw nito ay mga supernatural at kakaibang mga pangyayari sa kapaligiran.
Pinaniniwalaan din na nagdadala ng swerte ang full moon para sa pagsisimula ng pagtatayo ng bahay dahil sinisimbolo ng kabilugan nito ang pinansyal na kasaganahan, maging ang proteksyon ng Panginoon, at kaligayahan.
Mayroon ding paniniwala na nakaaapekto ang full moon sa pagluluwal ng bata sa mundo, dahil para sa ilan, magreresulta ng mas madaling labor labor ang isang ina sa panganganak sa kasagsagan ng full moon.
Sinusunod man o nananatiling parte ng mga kuwento-kuwento, hindi maikakaila na nakikita ang makulay na kultura ng bawat bansa sa mga pinaniniwala hinggil sa paglitaw ng kabilugan ng buwan.
Sean Antonio/BALITA