Ipinagwagwagan ni "It's Showtime" host Ion Perez ang pagmamahal niya sa misis niyang si Unkabogable Star Vice Ganda, na nagwaging "Best Actor in a Leading Role" para sa pelikulang "Call Me Mother" sa katatapos lamang na Gabi ng Parangal ng 51st Metro Manila Film Festival (MMFF) noong Sabado ng gabi, Disyembre 27.
Sa social media post ni Ion, makikita ang mga larawan nila ni Vice sa harapan ng isang stylized Christmas tree na may nakabiting warm white fairy lights at pulang tela na nakalatag hanggang sahig.
Nakasuot si Vice ng pulang dress, blonde na buhok, at karga ang isang maliit na aso na mukhang black-and-white, na tila isang maliit na long-haired breed.
Si Ion naman, nakasuot ng pulang racing o motorcycle suit, kompleto sa protective padding, na karaniwang isinusuot sa track riding o motorsports.
Mababasa sa caption ni Ion, "To my 'BEST ACTOR' im here to stay forever. I love you."
"Loving you all the way. You’re my night and day. Forever we’ll stay. Holding your hand come what may," aniya.
Matatandaang isa si Ion sa mga pinag-alayan ni Vice Ganda ng kaniyang tropeo sa pagkapanalo bilang Best Actor, ang kauna-unahang panalo ni Vice Ganda ng major award sa MMFF, sa ilang taon niyang pagkakaroon ng entry dito, at hindi lang basta entry, kundi box-office pa.
Ayon kay Vice, kaya ramdam na ramdam niya ang karakter na ginampanan sa Call Me Mother ay dahil malapit ito sa kaniyang sariling buhay.
Ibinahagi niyang taon-taon nilang pinaplano ni Ion ang pagkakaroon ng anak, ngunit taon-taon din itong hindi natutuloy dahil sa bigat ng trabaho, obligasyon, at mga responsibilidad sa trabaho. Kaya naman, humingi siya ng dispensa sa kaniyang kabiyak dahil dito.
"Sabi nila, 'Bakit daw damang-dama mo?' Sabi ni Sir Carlo [Katigbak] sa akin, 'Bakit hugot na hugot ka doon sa pelikula sa Call Me Mother? Parang nanay na nanay ka talaga?'" ani Vice Ganda.
"Kasi damang-dama ko talaga. Kaya gusto kong mag-sorry kay Ion dahil taon-taon pinaplano naming magkaanak, pero dahil sa dami ng iniisip ko at obligasyon ko at trabaho ko at napakaraming gusto ko pang gawin, taon-taon, hindi rin namin naitutuloy 'yong plano namin."
"Kaya parang taon-taon, namamatayan din kami ng anak. Kaya sana magkaroon pa ako ng mahaba pang buhay para... at sana makapagdesisyon na rin ako para maibigay ko na 'yon sa pamilya namin."
"Kasi gusto ko na talagang maging nanay, kasi gusto ko na magmahal ng bata na sarili ko, na akin, na puwedeng-puwede dahil nanay talaga ako. Maraming-maraming salamat po. Salamat."
Sa pelikula, ginampanan ni Vice ang isang LGBTQIA+ individual na may kakayahang magmahal at magpalaki ng bata ngunit pinipigilan ng takot na baka hindi payagan ng lipunan. Sa totoong buhay, inamin niyang ang takot ay hindi kakulangan ng pagmamahal, kundi ang kakulangan ng oras at desisyon.
Matatandaang nauna nang naibahagi ni Vice Ganda ang tungkol sa balak nilang magkaanak ni Ion sa pamamagitan ng surrogacy, sa vlog ni ABS-CBN news anchor Karen Davila.
Para magawa raw ito, pinayuhan daw siya ng espesyalista na kinakailangan niyang huminto sa pagtatrabaho at magpahinga sa loob ng tatlong buwan, para matiyak na magiging malusog ang kukuning semilya sa kaniya.
"Kung kita't kita lang rin naman parang kaya ko namang magpahinga ng three months. But I cannot leave Showtime. Hindi dahil sa ‘yong kita ko mawawala. ‘Yong laging, hindi naman sa pagmamayabang, pero ‘yong sa sobrang pagmamahal ko sa Showtime, parang what's going to happen to Showtime if I'm not there for three months?” ani Vice Ganda.
Banggit pa ni Meme Vice, kapag nga medyo matagal na siyang nawawala sa show, todo-tawag na sa kaniya ang ABS-CBN management, at kahit daw wala siya sa show o absent, naka-monitor pa rin siya sa mga ganap.
Noon pang 2022, nasabi na ni Vice na gustong-gusto na niyang magka-baby kay Ion pero hindi pa niya maharap.
Kaugnay na Balita: Nag-sorry! Vice Ganda at Ion Perez, taon-taon parang 'namamatayan' ng anak