December 13, 2025

Home BALITA

Parachute ng skydiver, sumabit sa traffic light; muntik na mabigti!

Parachute ng skydiver, sumabit sa traffic light; muntik na mabigti!
Photo courtesy: Contributed photo

Nalagay sa peligro ang buhay ng isang skydiver matapos sumabit ang kaniyang parachute sa poste ng traffic light at muntik pumulupot sa kaniyang leeg ang lubid nito.

Batay sa nagkalat na video sa social media, makikita na napatakbo ang ilang saksi dahil sa pangambang tuluyang pumulupot ang tali sa leeg ng skydiver. 

Mabuti na lamang at naalis ng lalaki ang lubid sa kaniyang leeg habang tumulong ang iba pang naroon upang maalis ang parachute na nakabuhol sa poste ng traffic light sa Mexico City.

Halos bumigay ang poste sa lakas ng paghila at pagwasiwas ng mga sumasaklolo sa parachute.

Truly blessed! VP Sara, thankful sa mga DDS na alam ang paninira at katotohanan

 Inabot ng humigit-kumulang dalawang minuto bago tuluyang matanggal ang parachute, na naging sanhi rin ng pagkatabingi ng puwesto ng traffic light.

Ayon sa pulisya, dinala sa presinto ang skydiver upang imbestigahan kung may nagawang pinsala ang pumalya niyang pag-landing. 

Sa kabutihang palad, hindi naman nasira ang traffic light at ang poste kaya siya ay pinakawalan ng mga awtoridad. Nasa maayos ding kalagayan ang skydiver.

Samantala, noong Hulyo 2025, isang skydiver naman ang lumambitin matapos sumabit ang kaniyang parachute sa mga kable ng kuryente sa Lorenzan Road sa Tracy, California.

Agad na rumesponde ang mga bumbero ngunit kinailangan munang patayin ang linya ng kuryente bago magsagawa ng rescue operation.

Pahirapan ang pagtanggal sa buhol-buhol na tali ng parachute, ngunit ligtas na naibaba ang skydiver na nagtamo lamang ng minor injuries. Hindi naman nagbigay ng detalye ang mga lokal na ulat hinggil sa sanhi ng palyadong pag-landing ng skydiver.