December 12, 2025

Home BALITA National

Pagsuporta ni PBBM sa MUP, 'di dapat kuwestiyunin—Usec. Castro

Pagsuporta ni PBBM sa MUP, 'di dapat kuwestiyunin—Usec. Castro
Photo courtesy: RTVM/YT, AFP/FB


Tahasang ipinahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na hindi dapat kuwestiyunin ang suportang ipinapakita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa Military and Uniformed Personnel (MUP) sa bansa.

Kaugnay ito sa isinagawang pagbisita ni Marcos sa mga kasundaluhan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at ang umento sa sahod para sa mga MUP na ipatutupad sa unang araw ng 2026, 2027, at 2028.

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, pinasalamatan ng AFP, PNP sa ‘Base Pay Increase’ para sa mga MUP-Balita

“Hangga’t may oras po ang Pangulo, hindi po ito dapat kinukuwestiyon,” saad ni Usec. Castro sa isinagawang press briefing ng PCO nitong Biyernes, Disyembre 5.

“Ang pagbisita sa ating mga kasundaluhan, sa mga uniformed personnel ay nararapat lamang po bilang Commander-in-Chief. So, wala po itong kinalaman kung mayroon mang isyu ngayon, obligasyon po ng Pangulo na bisitahin sila,” dagdag pa niya.

Sinagot din ng press officer ang tila pagpapahayag ng suporta ni PBBM sa kasundaluhan kasabay ang ilang panawagan sa military na i-withdraw ang suporta sa administrasyon. 

“Kung nararapat po silang bigyan ng mas magandang ayuda, pagtulong, kailangan naman din po nating ibigay dahil ang kanilang sakripisyo po sa bayan, buhay po ang nakataya sa kanila,” ani Usec. Castro.

KAUGNAY NA BALITA: Brawner sa mga umuudyok sa AFP na mag-kudeta: ‘Wag na po kayong umasa!’-Balita

Matandaang kamakailan lamang ay inihayag ni PBBM sa isang video statement na ipatutupad niya ang pagpapataas ng sahod ng ilang MUP mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon at serbisyo sa bayan.

“Bilang pagkilala sa inyong walang sawang paglilingkod, dedikasyon, at husay ating itataas ang base pay ng MUP. Kasama rito ang lahat ng military at uniformed personnel mula sa Department of National Defense, Department of Interior and Local Government, Philippine Coast Guard, Bureau of Corrections, National Mapping and Resource Information Authority,” saad ni PBBM.

MAKI-BALITA: 'Makatarungang sahod at suporta!' PBBM, itataas suweldo ng military and uniformed personnel-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA