Naglabas ng ulat ang Department of Transportation (DOTr) hinggil sa isang UV Express driver na nang-araro sa mga nakaparadang motorsiklo sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City, Biyernes, Oktubre 17.
Ayon sa Facebook post ng DOTr nitong Sabado, Oktubre 17, isa sa mga motorista ang naiulat na namatay at 13 pa ang nasugatan.
"Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District at LTO, umamin ang UV express driver na si Ruel Flores Dela Cerna na gumamit siya ng shabu noong Huwebes ng gabi, Oktubre 16, ilang oras bago ang naturang insidente," anila.
Anila pa, ipinag-utos ni Acting Secretary Giovanni Lopez sa Land Transportation Office (LTO) ang habambuhay na pagkansela sa lisensya ng UV Express driver.
Hindi raw hahayaan ng DOTr ang mga reckless na driver lalo na’t mga gumagamit ng droga na makapagmaneho pa’t malagay sa panganib ang buhay ng mga motorista at pasahero.
“Sisiguraduhin nating hinding-hindi na makakapagmaneho itong UV Express driver na ito. Paulit-ulit ng sinasabi ng Pangulo na dapat ligtas ang ating mga kalsada at mga motorista mula sa mga ganitong iresponsable’t abusadong driver. Kami po sa DOTr ay nagpapa-abot ng aming taos-pusong pakikiramay sa isa po sa mga biktimang pumanaw na,” ani Acting Secretary Lopez.
Ayon pa sa ulat, nakakulong ngayon si Dela Cerna sa Quezon City Police District at nahaharap sa patong-patong na mga kaso.
Bukod dito, inatasan din ni Lopez ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mahigpit na ipatupad ang Department Order 2025-008 na nag-oobliga sa mga operator ng pampublikong sasakyan na isailalim sa mandatory drug testing ang kanilang mga driver, at madaliin na ang pagkumpleto sa Implementing Rules and Regulation (IRR) nito.
Dagdag pa nila, pinatitingnan na rin ng Kalihim sa LTFRB kung maaaring mabigyan ng danyos ang mga biktima sa pamamagitan ng insurance company ng UV Express, na isang PUV.
Samantala, kinatigan naman ng Quezon City Police District (QCPD) na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang suspek.
Nahaharap siya sa patong-patong na kaso gaya ng murder at paglabag sa Anti-Drunk and Drugged Driving Act.