Pinalad na makapag-uwi ng tumataginting na ₱89.5 milyong jackpot prize ng Super Lotto 6/49 ang isang taga-Quezon!
Ang naturang lotto game ay binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Martes ng gabi, Agosto 19.
Sa abiso ng PCSO, nabatid na matagumpay na nahulaan ng mapalad na mananaya ang winning combination na 17-27-21-30-15-12 ng Super Lotto 6/49, sanhi upang mapanalunan nito ang katumbas na premyo na ₱89,548,070.20.
Nabili umano ng lucky winner ang lucky ticket sa lotto outlet sa Bonifacio St. sa Gumaca, Quezon.
Upang makubra ang kaniyang premyo, pinayuhan naman ng PCSO ang lucky winner na magtungo lamang sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City.
Kinakailangan din nitong iprisinta ang kanyang lucky ticket at dalawang balidong ID.
Nagpaalala naman ang PCSO na ang lahat ng premyong lampas ng ₱10,000 ay papatawan ng 20% tax, alinsunod sa TRAIN Law.
Samantala, ang lahat ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon, mula sa petsa ng pagbola, ay mapo-forfeit at awtomatikong mapupunta sa kawanggawa.
Muli ring nanawagan ang PCSO sa publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga palaro upang mas marami pa silang mga kababayan natin na matulungan.
Ang Super Lotto 6/49 ay binobola tuwing Martes, Huwebes at Linggo.