December 13, 2025

Home BALITA Metro

Maynila, magpapatupad ng liquor ban sa Setyembre

Maynila, magpapatupad ng liquor ban sa Setyembre
(UNSPLASH / MANILA BULLETIN)

Nakatakdang magpatupad ng liquor ban ang Manila City Government sa ilang lugar sa lungsod, kaugnay nang nakatakdang pagdaraos ng 2025 Bar Examination sa Setyembre.

Batay sa Executive Order 41, Series of 2025, na nilagdaan ni Manila Mayor Isko Moreno, ang liquor ban ay ipatutupad sa mga bisinidad ng San Beda University at University of Santo Tomas (UST), upang matiyak ang pananatili ng kapayapaan at kaayusan sa pagdaraos ng pagsusulit, kapayapaan ng mga bar examinees at makontrol ang ingay sa may 500-meter radius ng dalawang unibersidad.

“Whereas, to maintain peace and order during the 2025 Bar Examinations and to assure the safety of all bar examinees, there is a need to ban liquor, prohibit ambulant vendors and disruptive activities from the testing sites, and mitigate or noise control within the 500-meter radius of San Bed University, Mendiola Manila and University of Santo Tomas, Espana Avenue, Manila,” anang kautusan.

Nabatid na magiging epektibo ang liquor ban ganap na 12:00AM ng Setyembre 6 hanggang 10:00PM ng Setyembre 7; 12:00AM ng Setyembre 9 hanggang 10:00PM ng Setyembre 10; at 12:00AM ng Setyembre 13 hanggang 10:00PM ng Setyembre 14.

Metro

Misis, sinaksak ng mister sa leeg

Mahigpit din namang ipinagbabawal ang pagbebenta ng alak ng mga ambulant vendors, mula Setyembre 6 hanggang 12:00AM ng Setyembre 8; mula Setyembre 9 hanggang mula 12:00AM ng Setyembre 12; at mula Setyembre 14 hanggang 12:00AM ng Setyembre 16.

Bukod dito, bawal din muna ang videoke, karaoke, loud sound systems, speakers, at iba pang gamit na naglalabas ng ingay o nakababahalang tunog, gayundin ang mga tao o mga grupo na gagawa ng ingay.

Hindi rin naman pinahihintulutan ang iba pang aktibidad gaya ng mass/political gatherings/demonstrations na walang kaugnayan sa bar exams; mga parada, salubong, party, konsiyerto, pagka-karaoke/pagbi-videoke at iba pang aktibidad na eskandaloso, maingay at naglalayong gumawa ng pagkagambala.

Samantala, magpapatupad din naman ang city government ng road closures sa mga lugar na malapit sa UST at San Beda sa Setyembre 7, 10 at 14, 2025.

Sa UST, kabilang sa mga kalsadang isasara ang Dapitan St. na sarado mula 2:00AM hanggang 7:00PM; dalawang outermost westbound lanes (UST side) ng España Boulevard, mula Lacson Ave. hanggang P. Noval St., mula 2:00AM hanggang 8:00AM; at mula 3:00PM hanggang 7:00PM.

Sa San Beda naman, kabilang sa mga kalsadang sarado ang Mendiola St., mula Mendiola Peace Arch hanggang Conception Aguila St., mula 2:00AM hanggang 7:00PM.  Ang dalawang linya ay sarado sa lahat ng hindi awtorisadong behikulo, habang ang mga linya sa San Beda University side ay sarado rin maging sa pedestrians.

May closure rin sa Concepcion Aguila St., mula Mendiola St. hanggang Jose Laurel St., mula 2:00AM hanggang 7:00PM. Magkabilang linya umano ng mga ito ay sarado sa mga hindi awtorisadong behikulo at pedestrian, maliban lamang sa mga residente.

Isasara rin naman ang Legarda St., kabilang ang dalawang linya mula sa San Rafael St. hanggang Mendiola St., eastbound lamang, mula 2:00AM hanggang 7:00PM, dahil ito ay ilalaan para sa drop-off at pick-up points para sa Bar Examination stakeholders.

Para naman sa National Headquarters (Blessed Pier Giorgio Frassati, O.P. Building, UST), mayroon ring closure sa Extremadura St. mula 2:00AM hanggang 7:00PM.

Babala naman ng lokal na pamahalaan, “All violators shall be dealt with accordingly pursuant to existing laws and ordinances of the City Manila.”