Kinubra na ng isang breadwinner mula sa Novaliches, Caloocan ang mahigit ₱72 milyong premyong napanalaunan niya sa Grand Lotto 6/55.
Ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), napanalunan ng lone bettor ang ₱72,366,751 jackpot prize ng Grand Lotto 6/55 sa halagang ₱20.
Nahulaan ng lucky winner ang winning combination na 03-54-24-36-18-46 na binola noong Hunyo 30, 2025.
Ibinahagi ng lucky winner sa PCSO kamakailan, 10 taon na siyang tumataya sa lotto. Bumibili lamang siya ng lotto ticket kapag may extrang pera.
“Hindi ko akalaing mangyayari talaga sa akin ‘to. Minsan lang ako tumaya. Pero dahil naniniwala ako na may awa ang Diyos ito na nga ang nangyari,” saad ng lucky winner.
Plano raw niyang gamitin ang napanalunan para sa pagpapaaral sa kaniyang mga anak. Gayunpaman, kahit instant milyonaryo na, patuloy pa rin daw siyang magtatrabaho.
“Hindi rin po basta maiwan ang trabaho, nasanay na din ang katawan ko sa pagtatrabaho,” dagdag pa niya.
Binobola ang Grand Lotto 6/55 tuwing Lunes, Miyerkules, at Sabado.