Kinumpirma ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) Laban ang pagbabagong magaganap sa liderato ng kanilang partido.
Sa pahayag na inilabas ng PDP Laban sa kanilang opisyal na Facebook account nitong Lunes, Hunyo 16, 2025, inihayag nilang nakatakdang saluhin ni Vice Mayor-elect Sebastian "Baste" Duterte ang posisyong pansamantalang babakantihin ni Sen. Robin Padilla bilang pangulo ng kanilang partido.
"Senator Robin Padilla has taken a leave as president of the PDP Laban to focus on his duties as legislator in the 20th Congress, the party announced today," saad ng PDP.
Dagdag pa nila, "With this development, Sebastian “Baste” Duterte, who is the PDP Laban executive vice president, will assume the party’s presidency based on the rule of succession in the party constitution. The younger Duterte won the race for vice mayor for Davao City in the May 2025 elections."
Ayon liham na ipinadala ni Padilla kay Party vice chairman Alfonso Cusi, mas pagtutuunan na raw niya ng pansin ang Senado sa pagpasok ng 20th Congress.
"Layunin ko pong ituon ang aking atensyon sa aking tungkulin bilang senador, lalo na sa paghahanda sa pagbubukas ng 20th Congress," ani Padilla.
Samantala, nananatili pa ring chairman ng nasabing partido si dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakadetine sa detention center ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.