Inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III na walong hepe na raw ang kaniyang inalis sa posisyon dahil sa hindi umano nakasunod sa kaniyang 5-minute response time policy.
Sa pagharap ni Torre sa media nitong Lunes, Hunyo 16, 2025, inihayag niyang hindi raw pasok sa standards ang pagtugon ng mga hepeng kaniyang sinibak mula sa kani-kanilang posisyon.
"Pina-relieve ko ang mga chiefs of police na yun sapagkat hindi sila maka-cope up or ayaw nilang mag-cope up sa standards," anang PNP chief.
Dagdag pa niya, "I’ve explained to them, we will not be able…to deliver on the 5-minute response promise, as directed by the President, hindi namin mako-comply ito, kung ganoon ang reaksyon ng mga opisyal na yun."
Ayon pa sa mga ulat nagmula sa istasyon sa Navotas, Caloocan, Valenzuela, Mandaluyong, Marikina, San Juan, Parañaque at Makati ang walong hepeng inalis ni Torre.
Samantala, inaasahang may ilang provincial directors pa raw na aalisin si Torre mula naman sa Central Visayas, bilang bahagi pa rin ng kaniyang pagsasaayos sa hanay ng kapulisan.