June 13, 2025

Home BALITA National

Imbes na batuhan ng sisi o pagkakawatak-watak: SP Chiz, isinusulong 'paghilom'

Imbes na batuhan ng sisi o pagkakawatak-watak: SP Chiz, isinusulong 'paghilom'
Photo courtesy: Screenshot from Chiz Escudero (FB)

Makahulugan ang mensahe ni Senate President Chiz Escudero para sa ika-127 anibersaryo ng proklamasyon sa Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.

Sa unang bahagi ng kaniyang mensahe, binigyang-pugay ni Escudero ang mga bayaning nagsakripisyo at nakipaglaban para matamo ang kalayaan ng bansa laban sa mga mananakop.

"Ngayong araw, ating ipinagdiriwang ang Ika-127 Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas, isang makasaysayang sandali na nagpapaalala sa atin ng ating mga bayani at ng matibay nilang paninindigan upang ipaglaban ang ating kasarinlan," aniya, na mababasa sa kaniyang Facebook post.

"Sa pagwagayway ng ating watawat at paggunita sa mahalagang araw na ito, ating pinapahalagahan ang kanilang sakripisyo at ipinapakita ang ating patuloy na pagsulong sa kalayaan na kanilang ipinaglaban."

National

VP Sara 'hostage' si Sen. Imee, kailangang ibalik sa Pinas si FPRRD

"'Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan,' ang temang pinili ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) para ipaala-ala sa bawat Pilipino na ang ating kasalukuyan ay bunga ng ating nakaraan, at ang ating kinabukasan ay ating hinuhubog ngayon. Sa harap ng mga hamon ng makabagong panahon, kailangang mapanatili natin ang diwa ng demokrasya, pagtutulungan, at pagmamalasakit sa Inang Bayan."

Pagkatapos ay iniugnay ito ng senate president sa kasalukuyang mga kaganapan sa politika.

"Ngayon higit kailanman, dahil sa mga kaganapang politika sa ating bansa, napakahalaga ang pagkakaisa at pagtutulungan. Sa halip na pagbabatuhan ng sisi o pagkakawatak-watak, ating isulong ang paghilom para sa isang mas mas maliwanag na kinabukasan. Higit kailanman, dapat tayong magkaisa upang tugunan ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan at itaguyod ang kaayusan at kaunlaran."

"Ngayon ang panahon na pag-alabin pa ang sidhi ng pagmamahal sa bansa. Tayo ay magsama-sama para sa pagtataguyod ng isang bayan na nagkakaisa, nagmamalasakit, at patuloy na nagsisikap tungo sa isang Bagong Pilipinas. Isang malaking hamon sa ating lahat ay ang maging tagapagtaguyod ng ating kalayaan, kinabukasan, at kasaysayan."

"Magsimula tayo sa simpleng paraan katulad ng paggalang sa isa’t isa, pagbibigay ng oportunidad sa ating kapwa, at patuloy na pagtindig para sa isang mas maliwanag na bukas."

"Mabuhay ang malayang Pilipinas!" aniya pa.

Kontrobersiyal si Escudero dahil sa isyu pa rin ng Articles of Impeachment ni Vice President Sara Duterte na ibinalik nila sa House of Representatives noong Hunyo 10, 2025.

KAUGNAY NA BALITA: Botong 18-5: Sino-sino Senator-judges na aprub, tutol sa mosyon nina Dela Rosa, Cayetano?