Nagpahayag ng pagkadismaya si Congresswoman-elect Atty. Leila de Lima sa naging pagtugon ng Senado bilang impeachment court sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang video message nitong Miyerkules, Hunyo 11, 2025, tahasang ikinumpara ni De Lima sa palengke ang Senado dahil umano sa panloloko nito sa taumbayan.
“Harap-harapan na tayong niloloko. Kakaibang korte ito, korte ng kababalaghan,” saad ni De Lima.
Dagdag pa niya, “Hindi na kinailangan ng abogado dito, dahil wala na sa batas ang pinag-usapan. Kaya tuloy, sana sa palengke na lang finile ang impeachment case, at least doon may nagtitinda ng totoo.”
Matatandaang noong Martes, Hunyo 10 nang napagbotohan ng Senado ang mosyon na nagbabalik sa articles of impeachment sa House of Representatives upang isertipika raw ng Kamara na walang nilalabag ang mga ito sa Konstitusyon.
“Malinaw na walang due process. Sila-sila lang sa Senado ang nag-motion at nag-rule sa sarili nilang motion,” saad ni De Lima.
Sa kabila nito, pinuri naman ni De Lima ang limang senador na hindi sumang-ayon sa naturang mosyon na ibalik ang impeachment sa Kamara, kabilang sina: Sen. Risa Hontiveros, Sen. Koko Pimentel, Sen. Nancy Binay, Sen. Win Gatchallian at Sen. Grace Poe.
KAUGNAY NA BALITA: Botong 18-5: Sino-sino Senator-judges na aprub, tutol sa mosyon nina Dela Rosa, Cayetano?
Noong Pebrero 5 nang tuluyang na-impeach sa Kamara si VP Sara matapos ang pagpirma ng tinatayang 215 mga mambabatas sa ikaapat na impeachment complaint laban sa kaniya. Lumagpas ito mula sa requirement na one-third o 102 mga miyembro ng Kamara upang maka-usad ang impeachment complaint sa Senado.
KAUGNAY NA BALITA: House of Representatives, inimpeach na si Vice President Sara Duterte