June 15, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Kapag sinabing 'remand,' anong meaning?

ALAMIN: Kapag sinabing 'remand,' anong meaning?
Photo courtesy: Mark Balmores (MB)/Pixabay

Nangyari na nga ang inaabangang pag-convene ng Senado bilang hukuman para sa paglilitis ng impeachment ni Vice President Sara Duterte noong Martes ng gabi, Hunyo 10, sa pamumuno ni Senate President Chiz Escudero.

Ang makasaysayang impeachment robes ay muli na namang nasilayang suot ng mga senador habang nanunumpa sa pagiging senator-judge ng nabanggit na impeachment; gayunpaman, sa 23 senador, tanging si Sen. Robin Padilla, Sen. Cynthia Villar, at Sen. Imee Marcos ang hindi nakasuot ng kasuotang pang-impeachment, dahil wala raw available na kasuotan para sa kanila.

Kaagad namang naghain ng mosyon si Senador Ronald "Bato" Dela Rosa upang i-dismiss ang kaso ng impeachment laban kay VP Sara, na sinang-ayunan naman nina Sen. Bong Go at Robin Padilla. Kilala ang tatlo bilang "Duterte Bloc" sa Senado—mga senador na bukas na sumusuporta kay dating Pangulo Rodrigo Duterte.

Binatikos ng minority, na pinangungunahan ni Senate Minority Leader Koko Pimentel at kasamang si Senator Risa Hontiveros, ang naturang mosyon. Naglatag din ng kanilang mga argumento ukol dito sina Sen. Francis Tolentino, Joel Villanueva, at Win Gatchalian.

Human-Interest

Tripleng tagumpay! Identical triplets, magna cum laude sa degree program nila

Kumuha ng mas neutral na posisyon si Sen. Alan Peter Cayetano, na nagmungkahi na bagama't hindi maaaring tuluyang i-dismiss ang impeachment, sa halip ay amyendahan na lamang ito.

Sumunod ang maikling suspensyon ng sesyon, at sa pagbabalik sa pagpupulong, bumoto ang mga senador-hukom ukol sa mosyon na ibalik ang Articles of Impeachment na ibinigay ng House of Representatives sa Senado noong Pebrero 2025. Sinabi ng Senado na tila minadali ng House ang proseso.

Labing-walong senador-hukom ang bumoto para sa mosyon, habang lima ang tumutol. Walang nag-abstain.

Dito ay lumutang ang salitang "remand," na ayon kay Sen. Risa, ay wala naman daw sa Konstitusyon.

Aniya, "The wording of the approved motion introduces unnecessary ambiguity to the already politically charged proceedings,” pahayag ni Hontiveros.

“Wala pong remand o return sa konstitusyon. Ang obligation natin, try and decide,” aniya.

Sa kabilang banda, nanaig pa rin ang desisyon ng mayorya, matapos ang botohan.

KAUGNAY NA BALITA: Botong 18-5: Sino-sino Senator-judges na aprub, tutol sa mosyon nina Dela Rosa, Cayetano?

Inisyu ng Senate President-Presiding Officer ng Senate Impeachment Court ang writ ng pagsumpa sa kampo ni Vice President Duterte, na humihingi sa kanila na magbigay ng tugon sa mga tanong kaugnay ng mga Artikulo ng Impeachment.

Mayroon silang sampung araw para isumite ang kanilang sagot, habang limang araw naman ang ibinigay sa mga House prosecutors para mag-reply. Sa pagitan nito, kanselado ang iskedyul na pagbasa ng mga Artikulo ng Impeachment ngayong Miyerkules, Hunyo 11.

KAUGNAY NA BALITA: Senate Impeachment Court, nag-isyu ng summon kay VP Sara

Ngayong nasa kamay na ng House ang Articles of Impeachment, nasa kanilang desisyon kung ang nabanggit na impeachment ay ire-refile, irerebisa, o i-aaffirm sa susunod sa 20th Congress.

Pero ang malinaw rito, hindi pa lusaw, naibasura, o dismissed ang impeachment. 

Sa madaling sabi, ang salitang "remand," bilang verb, kung bibisitahin ang mga pangunahing diksiyunaryo gaya ng "Merriam-Webster," ay nangangahulugang "to send back (a case) to another court or agency for further action." Sa isa pang kahulugan, "to return to custody pending trial or for further detention."

Bilang noun naman, "the act of remanding something or someone or the state of being remanded : an order to return or send back someone or something."

Kaya naman, nakaabang na ang taumbayan kung ano na nga ba ang kahihinatnan ng impeachment trial ng pangalawang pinakamataas na pinuno ng pamahalaan sa bansa.