Umani ng standing ovation mula sa mga hurado at live audience ng "Pilipinas Got Talent (PGT)" season 7 ang semi-finalist na si "Cardong Trumpo" matapos ang kaniyang ipinakitang talent sa pagpapaikot at tricks sa mga trumpo.
Ipinamalas ni Cardo ang husay sa pagpapaikot ng trumpo sa kaniyang palad, sa dulo ng karayom, sa kapwa trumpo, sa ibabaw ng baraha, at pagpapatawid nito sa isang lubid.
Nagpasalamat naman ang mga huradong sina Donny Pangilinan at Kathryn Bernardo kay Cardong Trumpo dahil sa pagbabahagi niya ng talento at pagsali sa PGT.
Si Freddie Garcia naman o FMG, sinabing sa pitong taon daw ng show, ngayon lamang siya nakakita nang ganoong kahusay na talento.
Si Eugene Domingo naman, na naging emosyunal, ay sinabing si Cardong Trumpo raw ang isang halimbawa ng Pilipinong nagsusumikap, hindi sumusuko, ginagamit ang regalo, at hindi gumagawa ng masama.
"Pinaikot-ikot mo ang trumpo, handa ka na bang umikot ang buhay mo?" retorikal na tanong ni Eugene.
Kaya naman, aabangan sa mga susunod na araw kung makakapasok ba sa finals si Cardong Trumpo.