May 22, 2026

Home BALITA National

Bilang dating PNP chief: Palasyo, naniniwalang mas magandang sumuko na si Sen. Bato

Bilang dating PNP chief: Palasyo, naniniwalang mas magandang sumuko na si Sen. Bato
Photo courtesy: RTVM/YT, File photo


Tila sang-ayon ang Malacañang na dapat ay isuko na lamang ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang kaniyang sarili, kaugnay sa mga kasong kinahaharap niya sa kasalukuyan.

Sa press briefing na isinagawa ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Mayo 18, tahasang inilahad ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na ito raw ay mas mainam lalo pa’t si Dela Rosa ay nanilbihan bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP).

“Mas maganda po, na bilang dating PNP chief, at alam naman po niya na may valid warrant of arrest na inisyu ang [International Criminal Court] ICC,” saad ni Usec. Castro.

Giit pa niya, “...at katulad ng sinasabi dati ni Sen. Robin Padilla [na] kung walang kasalanan, lumabas.”

Sa kasakukuyan, hindi pa rin tukoy kung nasaan na nga ba namamalagi ang mambabatas, matapos nitong lisanin ang Senate compound noong Huwebes ng madaling araw, Mayo 14.

Agad na umalis sa Senado si Dela Rosa matapos ang naganap na kaguluhan sa naturang lugar noong Miyerkules ng gabi, Mayo 13—na nag-ugat umano sa posibleng pag-aresto sa senador, na may kaugnayan sa isinapublikong warrant of arrest ng ICC laban sa kaniya para sa kasong crimes against humanity of murder.

Sa mga kaugnay na ulat, matatandaang hinamon kamakailan ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla si Dela Rosa na lumitaw na at harapin ang mga paratang na ibinibintang laban sa kaniya.

MAKI-BALITA: Dating PNP chief, tumatakbo sa batas? Ombudsman, hinamon Dela Rosa na harapin mga paratang laban sa kaniya-Balita

Samantala, ipinanawagan din ng Akbayan Youth nitong Lunes, Mayo 18, ang pagsuko ni Sen. Bato, kung saan nagpakalat sila ng wanted posters ng mambabatas sa kahabaan ng Kalayaan Avenue sa Quezon City.

MAKI-BALITA: 'Bato, sumuko ka na!' Akbayan Youth, nagpakalat ng 'wanted' posters ni Dela Rosa-Balita