Inurirat ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro ang pagpoprotekta umano ni Sen. Robin Padilla sa kapuwa nito senador na si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa para makalabas ng Senado noong madaling-araw ng Huwebes, Mayo 14, 2026.
Matatandaang opisyal nang naglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa noong Mayo 11, kaugnay sa naganap na war on drugs sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Noong Miyerkules, Mayo 13, ginulantang ang publiko at mga miyembro ng media ng magkakasunod na putok ng baril sa Senado mula sa mga miyembro ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado at National Bureau of Investigations (NBI).
Matapos nito, opisyal na napaulat sa publiko ang matagumpay na pag-alis ni Dela Rosa sa Senado kasabay umano ni Padilla.
Ayon naman sa naging pahayag ni Castro sa isinagawa niyang press briefing nitong Lunes, Mayo 18, sinabi nilang niyang magkakaroon daw ng imbestigasyon kay Padilla.
Matatandaang tinitingnan na umano bilang “person of interest” ng mga awtoridad sina Padilla at Senate President Alan Peter Cayetano kaugnay sa naging matagumpay na pag-alis ni Dela Rosa sa Senado.
“Magkakaroon naman po ng pag-iimbestiga,” pagsisimula ng undersecretary.
Ani Castro, kumalat daw sa social media ang video ni Padilla noong hindi pa ito senador tungkol sa pagsasabi ng huli na dapat sumuko ang isang indibidwal na may warrant of arrest.
“Nakita rin po natin ang mga namutawi sa bibig ni Senator Robin Padilla at the time na siya ay isa pang ordinaryong citizen,” aniya.
Dagdag pa niya, “Na sinabi niya na kapag may nagsisilbing warrant of arrest ay dapat na sumuko. Pero bakit hindi natin nadidinig kay Senator Robin Padilla ang mga salita patungkol sa kaniyang kaalyado na si Sen. Bato dela Rosa.”
Patutsada ni Castro, “Meron bang ibang pagtingin, meron bang tinititigan, at merong tinitingnan lamang.”
Pagpapatuloy ni Castro, dapat daw na maging mapanuri ang publiko kaugnay sa nangyaring insidente sa Senado at mga kinikilos ng mga opisyal ng gobyerno kagaya nina Padilla at Dela Rosa.
“So kung sino ang dapat na managot dito, kung merong mga pagkukulang, kung merong dapat na managot dito, kung merong mga pagkukulang, at may lumabag sa batas—mayroon nagtatakas o nagpapatakas ay dapat lang din po tayong mga Pilipino ay maging mapanuri sa mga nagiging aksyon ng ating mga public servant,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, kasalukuyan namang nagpakita na muli sa publiko si Padilla matapos niyang dumalo sa sesyon ng Senado nitong Lunes habang absent nang muli si Dela Rosa.
KAUGNAY NA BALITA: Serbisyo ni Sen. Robin, hindi pa tapos sey ng misis!