Unti-unti na umanong naapektuhan ang ilang health clinic sa bansa kasunod ng nakaambang tuluyang pagtigil ng pagsuporta ng Estados Unidos bunsod ng malawakan nitong foreign aid cuts.
Ayon sa press briefing ng Love Yourself—isang non-government organization (NGO) na nagbibigay ng libreng sexual health clinics, may ilan na umano silang community clinics na nahinto na sa operasyon dulot ng foreign aid cut ng US.
"As of now, we are continuing operations under the current support until the end of the US Fiscal Year this September," ani Love Yourself Founder Ronivin Pagtakhan.
Dagdag pa niya, "Some programs have already been halted or are on hold due to the uncertainty."
Noong Enero ngayong taon nang inanunsyo ng US ang kanilang pagtigil na sumporta at magpondo sektor ng kalusugan sa iba't ibang bansa, kabilang na ang HIV programs.
Samantala, matatandaang kamakailan lang nang inihayag ng Department of Health ang patuloy na pagtaas ng kaso ng HIV sa Pilipinas kung saan nakumpirmang nangunguna rin ang bansa buong mundo sa may pinakamabilis na pagdami ng bilang ng mga nagpopositibo sa nasabing virus.
KAUGNAY NA BALITA: Pilipinas, nangunguna sa buong mundo sa may pinakamabilis na pagtaas ng kaso ng HIV
Kasama ang DOH, patuloy daw umaasa ang Love Yourself na ipapadeklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang public health emergency para sa HIV.
Ayon sa datos ng DOH, pabata raw nang pabata ang tinatamaan ng HIV sa bansa na pawang mga menor de edad habang nasa 12 taong gulang naman mula sa Palawan ang naitalang pinakabatang nakakuha ng nasabing virus na nakuha umano bunsod ng pagiging aktibo sa pakikipagtalik.
BASAHIN: 95% pagsirit pataas ng HIV cases, bembangan ng lalaki sa lalaki