June 07, 2025

Home BALITA National

Dalawang senador, ekis sa ₱200 na dagdag sa minimum wage?

Dalawang senador, ekis sa ₱200 na dagdag sa minimum wage?
Photo courtesy: Photo Courtesy: Noel B. Pabalate/MB

Nagpahayag ng kanilang agam-agam ang dalawang senador hinggil sa ipinasang dagdag na ₱200 ng House of Representatives sa sahod ng mga minimum wage earners na nasa pribadong sektor.

Sa magkahiwalay na pahayag nitong Huwebes, Hunyo 5, 2025, ibinahagi nina Sen. JV Ejercito at Sen. Joel Villanueva ang kanilang saloobin patungkol sa nasabing umento.

Sa kaniyang press briefing, nilinaw ni Ejercito na bagama’t pabor siyang ibigay daw ang tulong na maaaring maipagkaloob para sa lahat ng mga manggagawa, iginiit niyang dapat umano itong maging balanse para naman sa mga may-ari ng negosyo.

“Whatever we can give to the laborers, ibigay natin. Kasi yung inflation natin, sobrang taas na rin ng bilihin ngayon. Kung yung  ₱100 makakatulong na 'yon, bakit hindi natin ibigay. Yung 200 kung kaya, bakit hindi?” ani Ejercito.

National

CEAP, iginiit pagpapanatili ng Ethics sa college curriculum

Dagdag pa niya, “But we have to strike a balance, always. We have to make sure also that yung business will be able to survive. Na hindi naman mamatay yung negosyo.”

Samantala, duda naman si Villanueva na maipapasa sa Senado ang ₱200 na dagdag pasahod.

"Parang ang tingin natin ‘pag nangyari ‘yan, diretsong veto. ‘Yan ang kailangan din natin pagtuunan ng pansin kung ia-adopt natin ‘yan kasi baka ‘yan din yung dahilan ng iba na nandun sa Kamara para masiguro na ma-veto ‘yan," saad ni Villanueva.

Saad pa niya "That's another way of looking at it. For us, we still believe [that the]  ₱100 is the most convenient and practical. But yung [but for]  ₱200, medyo, as much as we wanted to, we don't know."

Matatandaang noong Miyerkules, Hunyo 4 nang ipinasa na sa ikatlong pagbasa ang naturang umento para sa sahod ng mga manggagawa.

KAUGNAY NA BALITA: Kamara, inaprubahan na ang ₱200 na dagdag sahod