Pinagkatuwaan at ginawan na ng iba't ibang memes ang balitang pinagkalooban ng tulong-pinansyal ang babaeng nag-viral na lumabas sa isang kanal sa Makati, at makapanayam ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon sa kagawaran noong Biyernes, Mayo 30, magbibigay sila ng ₱80,000 sa naturang babae na kinilalang si “Rose.”
“Ang magiging intervention natin kay Rose, pangarap daw niya kasing magkaroon ng tindahan at sa assessment ng ating social worker ay kaya naman niya,” saad ni DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Matatandaang noong Martes, Mayo 27, Ikinagulat ng mga motorista at residente sa bandang Rufino at Adelantado Street sa Legazpi Village, Makati City ang biglang paglabas ng isang babae mula sa isang kanal sa kalsada.
MAKI-BALITA: Sadako sa kanal? Babae sa Makati, nambulabog matapos lumabas mula sa drainage
Maya-maya raw ay bigla na itong lumabas mula rito at nagtatatakbo. Hinabol naman daw ito ng ilang security personnel sa lugar.
Nang kapanayamin naman siya ng DSWD, sinabi niyang hindi siya naninirahan dito kundi kinuha lamang ang nahulog na cutter blade na ginagamit niya sa hanapbuhay.
MAKI-BALITA: DSWD, natagpuan at nakapanayam babaeng sumulpot sa kanal sa Makati
Sa update ng DSWD ay nakapamili na si Rose ng mga paninda niya para sa nabanggit na sari-sari store na nais niyang itayo.
Sey naman ng mga netizen, parang gusto na rin nilang humanap ng imburnal at lumusot dito para mapansin din at mapagkalooban ng ayuda.
"Sa imburnal pala papasok para magka 80k. Akala ko kasi sa duty."
"Hanap na tayo ng imburnal hahahaha."
"Alam ko na sagot sa kahirapan hahahaha..."
"Saan may malaking kanal dito, alam n'yo na."
"Grabe naman 'yon, 80k agad, parang gusto ko na lang din lumusot sa imburnal..."
MAKI-BALITA: Babaeng lumabas sa isang imburnal sa Makati, bibigyan ng ₱80K
Isa nga sa mga pinagkatuwaan ito ay ang social media personality na si "Senyora."
"Gising na. Hahanap ka pang imburnal para instant 80K."
"Oh kaya kayo wag pahiga-higa lang. Tumambay kayo sa imburnal."
Samantala, wala pang pahayag ang DSWD tungkol dito.