June 06, 2025

Home BALITA

MMDA, pinabulaanang may naparusahan sa pagbibigay-daan sa emergency vehicles

MMDA, pinabulaanang may naparusahan sa pagbibigay-daan sa emergency vehicles
Photo courtesy: via MMDA

Tinawag na “misleading” ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kumakalat umanong mga komento sa social media hinggil sa paglabag sa no contact apprehension policy (NCAP) matapos magbigay-daan sa emergency vehicles.

Sa pamamagitan ng Facebook post nitong Biyernes, Mayo 30, 2025, iginiit ng MMDA na wala raw katotohanan ang kumakalat na komento sa social media.

“Misleading ang claim ng isang motoristang nagkomento na mayroon nang napadalhan ng notice of violation dahil nagbigay daan sa ambulansya,” anang MMDA. 

Dagdag pa ng ahensya, “Hindi rin totoo ang claim na umapela o nag-contest ito ng huli at hindi nanalo.”

National

CEAP, iginiit pagpapanatili ng Ethics sa college curriculum

Ayon sa kumakalat na komento, may isang motorista raw ang pinadalhan ng MMDA ng notice of violation dahil pinadaan niya ang isang emergency vehicle. Sinubukan daw nitong umapela ngunit pinagmulta pa rin at hindi pinaboran.

Bunsod nito, muling nilinaw ng MMDA na wala pa silang pinadadalhan ng kahit na anong notice of violation matapos muling maimplementa ang NCAP noong Lunes, Mayo 26.

“Sa ngayon, under manual review at validation pa ang lahat ng huli mula nang maipatupad ang No Contact Apprehension Policy at wala pang napapadalhan ng kahit anong uri ng notice of violation,” anang ahensya.

Matatandaang kamakailan lang nang nilinaw ng MMDA na wala silang papatawan ng paglabag sa batas-trapiko kung magpapaubaya ang motorista sa pagdaan ng lahat ng uri ng emergency vehicles. Nilinaw ito ng MMDA matapos kumalat ang isang video mula sa vlogger na nagsasabing naipit sa traffic ang isang ambulansya matapos hindi padaanin ng mga motorista.

“Hindi maiisyuhan ng citation ticket ang mga sasakyan na nasa ganitong sitwasyon. Nararapat lamang na magbigay-daan ang mga motorista sa mga emergency vehicles gaya ng mga ambulansya, fire trucks, at iba pa,” saad ng MMDA.

KAUGNAY NA BALITA: Mga sasakyang magbibigay-daan sa emergency vehicles, ‘walang violation’ sa NCAP—MMDA