Ganap nang naisabatas ang Republic Act No. 12211 na nagmamandato sa pagkakatatag ng Lucena City Hospital.
Sa Facebook post ni Deputy Speaker David Suarez noong Lunes, Mayo 26, sinabi niyang kalakip umano ng pagsasabatas nito ang pagpapatayo at pagpapatakbo sa nasabing ospital.
“Sa bisa ng Republic Act No. 12211, naisabatas na ang pagtatatag ng Lucena City Hospital sa Lungsod ng Lucena, Quezon at lakip ang pondo para sa pagpapatayo at pagpapatakbo nito,” saad ni Suarez.
Dagdag pa niya, “Ito na po ang katuparan ng ating pangarap para mas mailapit natin sa ating mga kababayan ang dekalidad, mas abot-kaya, at mas mabilis na serbisyong medikal para sa lahat.”
Matatandaang si Suarez ay anak ng beteranong politikong si Danilo Suarez na tinalo ni Dra. Helen Tan sa pagkagobernador sa probinsya ng Quezon noong 2022 elections.