Kinumpirma ng Office of the Vice President na nakatakdang lumipad patungong Qatar at Netherlands si Vice President Sara Duterte mula Lunes, Mayo 26 hanggang Hunyo 4, 2025.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin nitong Lunes, mauunang bisitahin ni VP Sara ang Qatar kung saan nakalatag ang kaniyang mga aktibidad kasama ng Filipino community.
Ayon pa sa nasabing ulat, nakatakdang bumisita ang Pangalawang Pangulo sa isang health center at salon kung saan nagtatrabaho ang ilang Pinoy. Susundan naman ito ng “brunch” sa isa raw food court, afternoon snacks at dinner naman kasama ang iba't ibang grupo ng Filipino community leaders at supporters.
Samantala sa Mayo 30 hanggang Hunyo 3 naman inaasahang muling bibisitahin ng Bise Presidente ang kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, magdiriwang ng birthday sa The Hague: 'Nag-promise ako sa mga magulang ko'
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Makikiisa rin si VP Sara sa kanilang mga tagasuporta sa labas ng ICC para sa isa umanong gathering.
Inaasahang babalik ng bansa ang Pangalawang Pangulo sa Hunyo 4.
Samantala, matatandaang sumulat na ang Senado sa House of Representatives para sa tuluyang paggulong ng nakabinbing impeachment trial ni VP Sara. Ayon sa liham ni Senate President Chiz Escudero, sa Hunyo 2 ng hapon nakatakdang tanggapin ng Senado ang Prosecution Panel ng Kamara para sa reading ng 7 charges in the Articles of Impeachment. Habang sa Hunyo 3 naman sa ganap na 9:00 ng umaga nakatakdang magbukas ang impeachment court.
BASAHIN: VP Sara, nagkomento sa nakabibing niyang impeachment: 'I want a bloodbath!'