Nanguna sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte bilang mga pinagkakatiwalaan pa ring “selected personalities” ng mga Pilipino, ayon sa pinakabagong survey na inilabas ng Pulse Asia nitong Lunes, Mayo 26, 2025.
Batay sa resulta ng naturang survey na isinagawa noong Mayo 6 hanggang 9, isinasaad nitong nakakuha ng pinakamataas na bilang si dating Pangulong Duterte na may 63%. Sinundan naman ito ni VP Sara na may 50% habang 32% naman ang nakuha ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Nakalathala rin sa datos ng Pulse Asia ang naging kabaligtaran ng survey kung saan nanguna naman ni PBBM sa mga hindi pinagkakatiwalaan, matapos siyang makakuha ng 42% sa kabuuang datos. Habang 25% ang nagsasabing hindi sila kumbinsido kay VP Sara at 17% naman kay dating Pangulong Duterte.
Hinggil naman sa usapin ng impeachment, mas lamang pa rin ang nagsasabing hindi raw sila pabor na ituloy na ma-impeach si VP Sara.
KAUGNAY NA BALITA: House of Representatives, inimpeach na si Vice President Sara Duterte
Ayon sa survey ng Pulse Asia, 50% ng mga Pinoy ang nagsasabing ayaw nilang ma-impeach ang Pangalawang Pangulo habang 28% naman ang nagsabing pabor sila rito.
Kabilang din sa survey na inilabas ng Pulse Asia ang pagkakaaresto kay dating Pangulong Duterte kung saan tinatayang 58% naman ang nagsabing hindi sila pabor dito. Nasa 26% naman ang nagpahayag ng kanilang pagpabor sa nasabing pag-aresto.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD