Nabugbog umano ng tatlong kalalakihan ang anak ni Senador Jinggoy Estrada at ibang kasama nito habang nagbabakasyon sa isla ng Boracay.
Sa ulat ng Radyo Todo noong Sabado, Mayo 24, naglalakad umano anak ng senador papuntang D’Mall nang bigla silang sundan at pagtulungang suntukin ng tatlong lalaki sa tapat ng isang hotel sa Brgy. Balabag.
Kinilala ang mga suspek na sina James Carl Vargas y Jason, Dwyne David Mecca y Delos Santos at Khenjie Sarabia y Dumalaog, parehong 18-anyos at nakatira sa isla ng Boracay.
Sumaklolo naman ang mga pulis sa lugar at dinakip ang mga suspek.
Bagama’t hindi pinangalanan sa ulat kung sino-sino ang mga ginulpi, mababasa ang isang makahulugang Instagram story ng panganay ni Sen. Jinggoy na si Jules Estrada.
Aniya, “To everyone expecting to see me at Epic tonight, I won’t be able to make it.”
“Got caught in a really unfortunate situation last night and need time to recover, both physically and mentally appreciate all your understanding and support. See you soon,” dugtong pa ni Jules.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pahayag si Sen. Jinggoy hinggil sa nangyari ngunit pumunta na raw sa Boracay ang senador upang kausapin ang mga lokal na awtoridad.
Matatandaang kamakailan naman ay naging sentro ng usapan ang reklamo ng misis ni Sen. Jinggoy matapos nitong mabanas sa ipis na naispatan sa isang resort sa Boracay.
MAKI-BALITA: Misis ni Sen. Jinggoy, nabanas sa isang resort sa Boracay dahil sa ipis