Nagsalita ulit ang miyembro ng P-Pop all-male group na "GAT" na si Ethan David hinggil sa hate comments at bashing na natatanggap niya na nag-ugat sa "grooming issue" sa isang viral video.
Nagsimula ito sa viral video nila ng ilang miyembro ng BINI na sina Jhoanna, Stacey, at Colet tungkol sa kanilang "sensitibong" biruan.
Sa video, makikita na tila nagkukulitan at pabirong may ginagawang maselang akto sina Ethan at Shawn Castro, isa pang GAT member, at maririnig umano ang natatawang komento tungkol dito mula sa boses ng tatlong babae, na ayon sa mga netizen, ay mula sa mga nabanggit na BINI members.
"Ganiyan ginagawa niya kay Ashley," maririnig na sinabi ng isang babae, na alegasyon ng mga netizen, ay mula umano kay Stacey.
"Oo, sinasabunutan," segunda naman ng isa, na akusasyon pa rin ng mga netizen ay mula umano kay Colet. Isa pang boses ang sumingit at nagsabing "13 years old" na tumutukoy raw sa nabanggit na pangalan.
"Ahhhh 13 years old..." maya-maya ay sabi ng isa pang babae, na paratang naman ng mga netizen, ay mula umano kay Jhoanna.
MAKI-BALITA: Ilang miyembro ng BINI at GAT, binabanatan dahil sa isang leaked video
Kung titingnan ang video, tanging isang BINI member lamang ang makikita sa nabanggit na video na nakaupo sa isang sofa.
Mabigat ang tirada ng mga netizen laban sa tatlo dahil bakit daw ginagawang biro at katatawanan ang tungkol sa "pagpatol" sa menor de edad at "sexual act," lalo't sikat na sikat ang grupo at marami sa mga tagasuporta nila ay menor de edad.
May mga netizen at fans naman ang nagtanggol sa grupo lalo pa't "spliced" o hindi naman buo ang kumakalat na video, at unfair daw para sa mga nabanggit na BINI members kung maba-bash sila.
Naglabas na rin ng public apology ang BINI tungkol sa isyu gayundin sina Ethan at Shawn.
MAKI-BALITA: ‘Nagkamali kami!’ BINI, nagsalita na hinggil sa nag-leak na video
MAKI-BALITA: GAT members, nag-sorry na rin sa lumutang na leaked video kasama ang BINI
Muling naglabas si Ethan ng pahayag niya noong Mayo 15.
Paliwanag ni Ethan sa kaniyang Instagram post, kailanman ay hindi siya nakipagrelasyon sa isang menor de edad at hindi niya ito-tolerate ang ganoong behavior. Nagsalita si Ethan dahil sa buhos ng hate comments at bashing laban sa kaniya, sa iba't ibang social media platforms.
Humingi naman ang artist ng tawad sa lahat ng mga kapamilya at kaibigan niyang naapektuhan ng kontrobersiya.
"Let me be clear.. I have NEVER been involved in any inappropriate relationship with a minor, and I will never tolerate nor condone such behavior. I have always been firmly against it. The accusations being made are not only baseless but extremely damaging," bahagi ng kaniyang pahayag.
Nilinaw rin niya na siya raw ang tinutukoy na 13-anyos sa nabanggit na video.
"To clarify the confusion surrounding the video, the joking comments heard in the video led to a misunderstanding that I was grooming a 13 yr old. In reality, I Was the 13 yr old being referred to."
"The situation being discussed dates back to a time when I was a young teenager experiencing innocent puppy love during my time in Canada," aniya pa.
KAUGNAY NA BALITA: Ethan David, iginiit na hindi kailanman nakipagrelasyon sa menor de edad